LUMALAKAS ang pagkontra sa pagmimina sa Verde Passage, bahagi ng Luzon na mayaman sa lamandagat at gubat. Dahil sa ngitngit ng madla binawi ng konseho ng Lobo, Batangas, ang suporta sa balaking open-pit gold mining ng kumpanyang Canadian-Australian. Sinulatan ng taumbayan ang kanilang mga lider na panatilihin ang Verde Passage bilang “sentro ng sentro ng Asia-Pacific marine biodiversity.” Ito kasi ang pinagkukunan ng pagkain ng daan-milyong tao sa Southeast Asia.
Anang mga pantas, ang triangulo ng Pilipinas, Malaysia, at Indonesia ang “sentro ng marine biodiversity sa bahaging ito ng mundo.” At Verde Passage ang “sentro ng sentro.” Sa makitid na dagat sa pagitan ng Batangas, Mindoro, Marinduque, at Romblon pinaka-maraming uri ng isda, shellfish, at halamang dagat at gubat. Lalasunin lahat ‘yon ng cyanide at mine tailings. Ididinamita ang lupa para buksan ang mina.
Inaatasan ng batas at presidential orders ang Dept. of Environment and Natural Resources na protektahan ang mga bio-resource-rich areas. Pero DENR mismo ang nag-apruba ng mapanirang open-pit gold mine.
Nilinlang ang mga hikahos na taga-baryo na pumayag, sa pangako ng mga trabahong guwardiya, janitor, at canteen waiter. Pinaliwanagan sila ng mga nakakaintin-ding residente kung ano ang kapalit. Pati mga tagalabas na eksperto ay dumulog. Ipinakita ni ABS-CBN Bantay Kalikasan founder Gina Lopez ang sakit, kalbong gubat, maputik na ilog at dagat, at maruming hangin na dinaranas ng mga bayan na pumayag sa pagmimina. Naging globalized ang isyu dahil sa coverage ni batikang brodkaster Ted Failon. Kontra pagmimina rin sina Catholic Archbishop Ramon Arguelles, Batangas Gov. Vilma Santos, Vice Gov. Mark Leviste, Mindoro Oriental Gov. Alfonso Umali at Reps. Rey Umali at Salvador Leachon, at Marinduque Gov. Carmencita Reyes at Rep. Regina Reyes.
Malawak ang lupaing Canada at Australia kaysa kapuluang Pilipinas. Dito sila nagminina kasi mahigpit ang mga batas nila sa dumi.