MULA pa noong July 17, 1978 nagtatrabaho na si Dina bilang mananahi sa HPI. Ang kompanya ay may Collective Bargaining Agreement (CBA). Sa Sec. 1, Article IV nakaÂsaad ang sumusunod: Ang mga empleyado o manggagawa na mahihiwalay sa kompanya dahil sa pagbabawas ng personnel at empleyado, o kaya’y matatanggal nang walang dahilan o tiniwalag dahil sa pagtigil o paghinto ng operation ay makakakuha ng separation pay na naaayon sa batas. Bibigyan ng kumpanya ng separation pay ang mga manggagawa o empleyadong boluntaryong magre-resign ayon sa mga nabanggit na dahilan, at sa mga sumusunod na kondisyon: (a) 1 hanggang 30 taong serbisyo ay babayaran ng 20 araw bawat taon ng serbisyo; (b) 16-20 taon ay babayaran ng 15 araw bawat taon ng serbisyo; (a) 11-15 taon - 10 araw bawat 1 taon ng serbisyo; at (d) 5-10 taon - 5 araw bawa’t taon ng serbisyo.
Boluntaryong nag-resign si Dina noong August 10, 1998 o makaraan ang higit na 20 taon ng serbisyo epektibo ng September 17, 1998. Tinanggap naman ito ng kompanya at binayaran siya ng kanyang huling sweldo, 13th month pay at cash para sa mga vacation at sick leave na hindi niya nagamit. Pagkaraan ay nagpadala si Dina ng sulat sa HPI upang hilingin na bayaran siya ng separation pay na nakasaad sa Sec. 1, Article IV ng CBA. Ngunit hindi ito binayaran ng HPI dahil sabi nila, ayon sa Labor Code, ang empleyadong kusa o boluntaryong nag-resign ay hindi naman daw dapat bayaran ng separation pay. Tama ba ang kompanya?
MALI. Totoong sa ilalim ng Labor Code, ang empleyadong nag-resign ng boluntaryo ay hindi makakatanggap ng separation pay. Ngunit kung ito ay nakasaad sa kontrata ng empleyado, o bahagi ng patakaran ng kumpanya o ng CBA o kaya’y pinahihintulutan ng nag-empleyo; dapat lang itong bayaran. Sa kasong ito, malinaw na binanggit ng CBA na ang isang empleyado o manggagawa ay makakatanggap ng separation pay kapag siya’y boluntaryong nag-resign kahit walang anumang dahilan. Dapat bayaran si Dina ng separation pay (Hanford Philippines vs. Joseph, G.R. 158251, March 31, 2005 454 SCRA 786).