NAKAKATAKOT na ang mga nangyayari ngayon na madali nang utangin ang buhay. Sa isang iglap lang, kapag may gustong itumba, maaaring mangyari. Marami nang nauupahan para pumatay. Wala nang kinikilala ang mga mamamatay tao. Madaling naisasagawa ang pagpatay dahil nagkalat ang mga baril. Walang problema kapag napatay na ang isang tao sapagkat maaari itong itapon sa kung saan-saan lang. Karaniwan nang tanawin ang mga itinatapong bangkay sa maraming lugar sa Metro Manila.
Halimbawa ay ang pagpatay sa TV talent na si Julie Ann Rodelas na dinukot noong Nob. 6, 2012. Lumalabas na ang kanyang kaibigan na si Althea Altamirano at boyfriend nito na si Fernando Quiambao ang mastermind sa krimen. Ayon kay Altamirano, gusto lamang niyang turuan ng leksiyon si Rodelas dahil nagkakalat ng tsismis laban sa kanya. Pero wala sa usapan ang pagpatay. Ang kanyang nobyong si Quiambao ang komontak umano sa mga “magtuturo ng leksiyon” kay Rodelas. Marami palang kilalang “hired killers” si Quiambao at umano’y sanay na sanay na itong umupa ng mga “mamamatay tao”. Matapos dukutin, dinala sa hideout sa Culiat si Rodelas at doon ginahasa at pinatay. Itinapon ang bangkay nito sa Cubao area. Nadakip ang mga suspect dahil sa resibo ng hamburger at nakunan din ng CCTV si Quiambao. Inutang ang buhay ni Rodelas dahil lamang sa isang tsismis.
Ganito kabilis pumatay ngayon. Wala nang kinatatakutan. Katulad din naman nang pagpatay sa mga mamamahayag na ngayong 2012 ay mayroon nang lima nang biktima. Ang ikalimang biktima ay si Julius Caesar Cauzo, isang broadcaster sa local radio dwJJ station sa Cabanatuan City. Binaril siya ng riding-in-tandem. Hanggang sa kasalukuyan, nangangapa pa ang mga pulis kung sino ang nag-utos para patayin si Cauzo. Tatlong bala ang pumatay kay Cauzo.
Karaniwan na ang pagpatay sa bansang ito. Para lang manok na binabaril. Sa kaso ni Cauzo na wala pang nahuhuli ang mga pulis, malaking hamon ito sa PNP. Samantalang, dapat papurihan ang mga pulis-QC sa mabilis nilang pagkilos. Dapat makamit agad ng mga biktima ang hustisya. Mangyayari lamang ito kung magiging mabilis ang pag-usad ng kaso.