Maraming nangangamba na hindi maisakatuparan ang pagpapasa ng kontrobersiyal na Sin Tax bill. Maaaring malusaw ito. Para bang may sinding upos ng sigarilyo na idinawdaw sa isang basong tubig. Maski ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Health (DOH), ay nagugulumihanan at natutuliro sa tinutungo ng Sin Tax bill. At nagpahayag ang BIR at DOH noong nakaraang linggo na pakiramdam nila, pinagtaksilan sila ni Sen. Ralph Recto.
Ito ay makaraang ilahad ni Recto ang committee report ni Recto ukol sa Sin Tax bill. Nakasaad sa report ni Recto na ang kikitain na lamang ng gobyerno kapag naipasa ang panukalang batas ay P15-billion. Malayung-malayo ito sa projection ng BIR at DOH na kikita ang pamahalaan ng P60-billion. Ayon sa BIR at DOH hindi nila inaasahan ang report ni Recto. Biglang nalusaw ang kanilang inaasam na malaking kikitain sa Sin Tax na gagamitin naman sana para sa mga mahihirap na maysakit na naka-confine sa ospital. Target din ng Sin Tax revenue ang pagpapaganda sa mga ospital. Nga-yong ibinaba ni Recto ang kikitain sa Sin Tax, wala nang pag-asang matulungan nang lubos ang mga maysakit. Umano’y mga maysakit na nakuha sa paninigarilyo ang kapupuntahan ng Sin Tax.
Maski si Sen. Miriam Defensor-Santiago ay nadismaya sa report ni Recto. Natulala raw siya. Malayung-malayo sa kanyang inakdang batas na P60-billion ang kikitain ng gobyerno. Ayon kay Santiago, baka wala nang mangyari sa Sin Tax. Tiyak daw na sa pagbaba ng porsiyentong tax sa sigarilyo, lalong dadami ang maninigarilyo. Ang Pilipinas daw ay may pinaka-murang presyo ng sigarilyo at ito ang dahilan kaya maraming naninigarilyo. At dahil maraming naninigarilyo, maraming nagkakasakit at namamatay. Ayon kay Santiago, ang report ni Recto ay pagsuko sa mga naglo-lobby na kinabibilangan ng mga kompanya ng sigarilyo at alak.
Malaking pagkakamali itong panukala ni Recto na ibaba pa ang buwis na ipapataw sa sigarilyo. Ang mga matutuwa nito ay ang mga sugapa o lulong na sa sigarilyo. Sa halip na makaiwas sila sa yosi, lalo pang magiging sugapa sapagkat kaya pa nilang bumili ng sigarilyo. Sa halip na mahikayat sila na bitawan ang bisyo, lalo pa silang magsusunog ng baga. Bakit nagawa ni Recto ang kataksilan sa Sin Tax bill?