PANAHON na naman ng eleksyon kaya umaariba na naman ang mga tinatawag na “dirty tricks” department ng mga politiko.
Naririyan ang mga paninirang puri, pagsasampa ng mga inimbentong kaso at kung anu-ano pang bagay na makasisira sa isang kandidato lalu pa’t inaakalang malakas ang laban.
Hay naku! Wala na yatang politikang naka-base sa kakayahan at integridad ng kandidato!
Mahirap maging kandidato kung wala kang matibay na dibdib. Kadalasan kahit walang asunto ang tao ay sandamakmak na kaso ang isasampa kapag ito’y tumakbo sa politika para tiyakin ng kalaban ang kanyang pagkatalo. Foul! Minsan nama’y kukuwestyonin ang residency ng kandidato para mabura ang pangalan sa talaan ng mga botante at madiskuwalipikang kumandidato.
Ganyan ang sinapit ng kilalang showbiz personality na si Onemig Bondoc ng Mariveles, Bataan na kumakandidato sa pagka-Kongresista sa ikalaweang distrito ng lalawigan.
Isang dating Mayor ng bayan daw ang nagpetisyon sa Municipal Trial Court para maalis sa talaan ng mga botante sa distrito si Bondoc dahil daw hindi naman talaga taga-roon
Napatunayan ng Korte na mali ang alegasyon kaya naman agad ibinasura ang petisyon ni dating Mariveles Mayor Oscar delos Reyes. Sa desisyon ni Judge Asuncion ng Mariveles MTC, sinabi niya na bigo ang dating alkalde na patunayang hindi residente ng distrito si Bondoc.
Well, iyan ang politika sa bansa. Wala na ang tinatawag na “principled politics.” Parang mahirap paghaluin ang prinspyo at politika. Wika nga sa Inggles “oxymoron” o magkasalungat na ang kahulugan.
Huwag naman sanang tuluyang mawala ang politikang may prinsipyo dahil iyan ang tunay na susi sa pag-unlad ng bansa.
Kapag pulos walang prinsipyo at tiwali ang mga politikong mailuluklok sa pamahalaan, wala nang pag-asang umasenso ang ating inambayan.