'Nalango sa Suntok(?)'

“Magbiro ka na sa lasing ‘wag lang sa bagong gising”, ito ang lumang kasabihan, ngunit ano ang mangyayari kapag biniro ang lasing na kagagaling lang sa malalim ng pagkakahimbing?

Binira ng biro ng pagkakataon isang alas-11 ng gabi ng Disyembre 13, 2009 ang noo’y guwardya na si Danilo Federio—45 na taong gulang  ng Culiat, Lungsod Quezon, na kagagaling lang sa isang inuman sa Caloocan City.

Bukang-buka ang bibig at halos mabali ang leeg ni Danilo sa sobrang kalasingan habang lulan ng bus na biyaheng Fairview.

Walang kaldag ang makahadlang upang mapayapa niyang mairaos ang antok. Sunud-sunod ang malulutong niyang hilik nang basagin ito ng mga tapik ng kundoktor. “Hoy mister sa’n ba baba mo?! Hindi ka pa bayad!,” sabi nito sa kanya.

Ayaw dumilat ni Danilo, ano mang yugyog, ‘di ito matinag. “Wala na ‘to. Hiniwalayan na yata ng kaluluwa,” iiling-iling na sinabi ng kundoktor sa sarili.

Maya-maya walang kamalay-malay si Danilo, may bumubuhat na pala sa kanyang katawan.

Nagbalik na lamang ang namasyal niyang ulirat nang may kamaong bumaon sa kanyang panga.

“P$+%@^-ina mo! Bakit hindi ka nagbayad!?,” sabay suntok sa kanyang sikmura. Napayukayok si Danilo, pag-angat ng kanyang ulo naaninawan niya ang nakakabit na nameplate nito sa uniporme, “PO2 Renato Cariño”. Mamula-mulakat ni Danilo siya pala’y nasa loob na ng isang presinto.

“Ser! Ano po ba‘ng kasalanan ko!?,” sigaw ni Danilo. Bukambibig ni PO2 Cariño ang paratang na hindi siya nagbayad ng pamasahe sa bus na sinakyan kalakip ang sunud-sunod umanong mga buntal.

Abot ang pagmamakaawa ni Danilo na tigilan siya, “Ser! Tama na!”. Napansin niyang nakipag-ngisian si PO2 Cariño sa isa pang pulis na si SPO1 Wilson delos Santos. Buong akala ni Danilo ay maawa na ito.

Nanlaki na lang ang mga mata niya nang bumunot umano si PO2 Cariño ng kalibre 45 na nakasukbit sa kanyang tagiliran at itinutok sa kanyang sentido. “Papatayin kita” sabi umano ni PO2 Cariño.

“Ser ‘wag po! May pamilya po ako!,” pagsusumamo ni Danilo.

Dahan-dahan niyang ibinaba ang baril at saka umatras sabay bumuwelo na akala mo daw nagpapraktis bumaril at siya ang target. Apat na beses umano paulit-ulit na ginawa ito ni PO2 Cariño sa kanya.

Nang makakita daw ito ng isang hugis tubo na kahoy, hinablot ito at inihataw sa kanyang ulo. Mabilis na naisalag ni Danilo ang kanyang braso.

“Ah magaling kang umilag!?,” patuyang sabi ni PO2 Cariño.

Gisaw na gisaw sa mga hagupit si Danilo ngunit nung mapagod daw si PO2 Cariño, pinapasok na siya sa kulungan. Nakapanood si Danilo mula sa selda habang hinahalungkat ni PO2 Cariño ang kanyang bag.

Nakita doon ang kanyang wallet, cellfone at relo, kwintas, bracelet at singsing. Narinig naman niyang binuksan ni SPO1 delos Santos ang isang long neck na alak. Pagkalipas ng tatlong oras pinalabas siya at pinagsasapak ulit.

“Armor escort ka pala ng BDO,” sabi ni SPO1 delos Santos.

“O, gwardya ka pala!? Hindi mo sinasabi! Magkaibigan na tayo! Tagay ka muna!,” nang-uuyam na alok ni PO2 Cariño.

Hinagis ni PO2 Cariño ang isang balisong na itim sa mesa ni SPO1 delos Santos at nagsabing, “Sarge! Limanlibo yan!”.

“Limanlibo to, bayaran mo ‘to! Sasampahan ka namin ng kasong illegal possesion of deadly weapon pag ‘di mo binayaran yan!,” ani ni SPO1 delos Santos kay Danilo.

“Hindi po sakin yan!,” sabi ni Danilo.

“Kaya nga! Gagawin kong sa’yo pag hindi ka nagbigay ng limang libo!,” pananakot ni PO2 Cariño.

Kalog na kalog man ang ulo, nakaisip ng palusot si Danilo, “May pitong libo po ako sa bahay kukunin ko po at babalik po ako dito,”.

Pumayag ang mga nalalangong mga pulis at siya’y pinapirma ng isang kasulatang sa basa ni Danilo ay “No money involved” ang nakalagay. Iniba niya ang kanyang lagda at nang mag alas-3 na ng madaling araw siya ay pinalaya. Isang taxi driver ang nagmagandang loob na siya’y dalhin sa East Ave. Medical Center upang makapagpatingin.

Nobyembre 14, 2009 isinampa niya sa Camp Caringal ang kasong administratibo laban sa dalawang pulis.

Disyembre 11, 2011 lumabas ang desisyon ngunit wala umanong natanggap si Danilo na sulat tungkol dito.

Nang puntahan niya sa Camp Crame nung Pebrero 13, 2012 dito na lamang niya nalaman na “dismissed” na ang kanyang kaso.

Mangiyak-ngiyak na pinoprotesta ni Danilo sa aming tanggapan ang kinahantungan nito. Nagtataka siya, paano nabasura ang kaso gayong ni minsan ay hindi lumitaw sa pagdinig ang mga kasangkot na pulis?

Naibuhos niya ang buong oras sa paglalakad ng kaso upang makamit ang hustisya hanggang sa humantong sa pagkakatanggal niya sa serbisyo.

Iniwanan na rin siya ng kanyang asawa at tatlong anak at bumalik na ng Bicol. Sa ngayon nais ni Danilo na muling tignan ang kanyang kaso dahil sa kanyang paningin ay may manipulasyong nangyari dito.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kasong ito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung tunay nga ang paratang ni Danilo sa dalawang pulis, maliwanag na inabuso nila ang kanilang kapangyarihan. Pinagkatuwaan nila ang kundisyon ng isang inerereklamo upang makapanghuthot.

Kanila PO2 Cariño at SPO1 delos Santos, ang mga tulad niyo ang dahilan kung bakit patuloy na nawawala ang tiwala ng taumbayan sa mga taong inaasahang nilang magtatanggol sa kanila. Hindi ba nasusunog ang balat niyong dalawa tuwing suot niyo ang inyong uniporme?

Hindi ba napapaso ang inyong mga dibdib dahil sa mga tsapa na nakadikit dito? At ang baril na ginagamit niyo, kaming mga taumbayan ang nagbayad niyan para magamit sa pagpapatupad ng batas bilang proteksyon sa mga taong naapi at ‘di kayang lumaban.

‘Di ko malaman kung anong klaseng imbestigasyon ang nangyari (niluto ba?) dyan sa Camp Caringal. Isa lang ang malinaw sa nangyaring ito, mas lalong lalakas ang loob ng mga abusadong pulis tulad ninyo na ipagpatuloy ang kanilang tiwaling gawain kung hindi tututukan at babalewalain ang ganitong klaseng mga kasong administratibo.

(KINALAP NI PAULINE GRACE F. VENTURA)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado. Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments