Bangungot: Paano maiiwasan?

ANO ba ang bangungot? Bakit maraming Pilipino ang namamatay dito? Kung matatandaan ninyo, ito ang pinaghihinalaang sanhi ng pagkamatay nina Marky Cielo at Rico Yan.

Una sa lahat, iba po ang bangungot sa Bangungot syndrome. Ang bangungot ay iyong nananaginip ka ng masama. Ang Bangungot syndrome naman ay isang sakit na kung tawagin ay acute pancreatitis.

Ang Acute pancreatitis ay ang pamamaga ng ating pancreas o pale. Ang trabaho ng pancreas ay ang maglabas ng “juices” para tunawin ang ating kinain. Sa isang araw, halos 8 basong pancreatic juice ang ginagawa ng pancreas.

Dalawa ang sanhi ng acute pancreatitis: (1) sobrang pagkain nang marami at (2) sobrang pag-inom ng alak. Kapag napadami ang ating kinain, mahihirapan ang ating pancreas.

Ayon sa eksperto, baka raw namamana ang Bangu-ngot syndrome dahil mas natatagpuan ito sa mga kalalakihan ng taga-Asia. Siguro mas malakas din uminom ng alak ang mga lalaki.

Ang sintomas ng Acute pancreatitis ay ang matinding pagsakit ng sikmura, na tumutugon sa ating likod. Kapag ganito ang iyong nararamdaman, pumunta agad sa ospital.

Paano iiwas sa Acute pancreatitis?

1. Kumain ng 5-6 na beses sa isang araw pero pakonti-konti lang. Makatutulong ang ganitong schedule sa marahang pagtunaw ng ating kinakain. Para sa mga diabetico, hindi rin gaano tataas ang iyong asukal sa dugo (blood sugar). Sa merienda, puwedeng isang saging o mansanas lang. Kapag hapunan, puwedeng kalahating tasang kanin, sabaw, at isang ulam lang. Hindi ka tataba dito dahil konti lang ang kinakain mo.

2. Maglakad ng 20 mi­n­u­tos pagkatapos kumain. Bawal matulog agad! Ka­pag napadami ang kinain mo at biglang matutulog, eh baka magalit ang iyong pancreas. Sasabihin niya, “Kain ka lang ng kain, tapos hindi mo ako tutulungan sa pagtunaw ng pagkain.” Baka bangungot syndrome ang abutin mo niyan.

3. Kung iinom ng alak, lagyan muna ng pagkain ang iyong tiyan at uminom ng tubig. Masama ang alak kapag walang laman ang tiyan. Masisira ang ating atay at pancreas.

Kung tutuusin, mas ma­ igi po na umiwas na rin sa alak. Tubig ang pinaka-ma­gandang inumin para sa ating kalusugan.

 Good luck po.

Show comments