MARAMING nangyayaring krimen ngayon. Nag-oovertime na ang mga masasamang loob. Kaliwa’t kanan ang pagnanakaw. Iba’t ibang modus ang alam. Umano, darami pa ang krimen dahil palapit na ang kapaskuhan at eleksiyon. At sa nangyayaring ito, ang pagiging mabilis ng mga pulis sa pagresponde ang inaasahan para mapigilan at mahuli ang mga criminal.
Hinoldap ang Czarina money changer na nasa Alabang Town Center sa Muntinlupa noong nakaraang linggo. Umano, isang oras bago nakaresponde ang mga Muntinlupa police. Ang nakakahiya, malapit lamang ang presinto ng pulis sa lugar na may nagaganap na holdapan. Sa nangyaring holdapan, isang suspect ang napatay ng mga security guards. Tatlo sa mga sekyu ang nasugatan. Ang nangholdap umano ay ang Ozamis robbery group.
Ikalawang beses nang panghoholdap sa Alabang Town Center kung saan isang branch din ng Czarina money changer ang hinoldap. Nangyari ang unang panghoholdap noong nakaraang Pebrero 2012 kung saan ang armored van din ang tinarget ng Ozamis group.
Sa kabila na ikalawang beses nang may nangyayaring holdapan, hindi pa rin nakaresponde ang mga pulis na ang station ay malapit lamang sa Alabang Town Center. Inabot umano ng isang oras bago naka-responde. Natapos na ang ratratan at natangay na ang pera bago nakarating ang mga pulis.
Nagalit si PNP chief Director General Nicanor Bartolome at agad sinibak ang hepe ng Muntinlupa City Police na si Sr. Supt. Ramiro Bausa. Agad na iginawad ni Bartolome ang tabak kay Bausa dahil sa pagkukulang sa kanyang tungkulin. Sa kabila na may nangyari nang holdapan, walang ginawa si Bausa para mapigil ang mga masasamang-loob sa kanyang nasasakupan.
Ipinag-utos naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Leonardo Espina na nararapat na sa loob ng dalawang minuto ay naka-responde na ang mga pulis sa nangyayaring krimen. Dapat nalalaman umano ng police officers ang mga nangyayari sa kanilang nasasakupan.
Nararapat lang na sibakin sa puwesto ang mga hepe ng pulis na hindi makakaresponde sa krimen. Dapat mabilis at alert ang mga pulis. Kung mababagal ang pulis, kawawa ang mamamayan.