MARAMING nag-akala na sa sandaling ipatigil ni President Noynoy Aquino ang Small Town Lottery (STL), talagang wala na ito. Lusaw na ang STL at wala nang mapapakinabang ang jueteng operators. Pero hindi pala! Mali ang akala nang nakararami. Isang araw makaraang sabihin ni Aquino na lulusawin na ang STL, inihayag din niya na isang bagong numbers game ang ipapalit.
Ano bang nangyayari at sa halip na maging puspusan ang paglaban sa jueteng at iba pang sugal ay lalo pang pinaiigting. Sa halip na turuan ang mamamayan na huwag umasa sa sugal, ay lalo pang ginagawang sugapa.
Ang STL ay ginawa sa panahon ni dating President Gloria Macapagal-Arroyo para mawala ang jueteng. Pero isang malaking kamalian ang nangyari sapagkat sa halip na mawala ang jueteng ay lalo pang naging talamak. Ginawang front ang STL para makapamayagpag ang jueteng. Yumaman ang jueteng operators at ganundin ang police officials, governor, mayor at barangay officials. Talaksan ng pera mula sa mahihirap na mananaya ang kanilang kinakamal.
Ayon sa Malacañang ang PCSO ang mamamahala sa bagong kapalit ng STL na tatawaging Loterya ng Bayan. Sinabi naman ng PCSO na 200 gaming firms na ang nag-aaplay sa Loterya ng Bayan. Idadaan umano nila sa matinding screening ang mga nag-aaplay na gaming firms para hindi na maulit ang nangyari sa STL na ginawang front lamang ng mga jueteng operators. Marami na umanong nag-aplay mula sa probinsiya sa Central at North Luzon. Umano’y magiging maayos ang pag-ooperate ng Loterya, hindi katulad ng STL na ang nakinabang ay jueteng operators.
Duda kami na hindi matutulad sa STL ang Loterya. Gagamitin din ng gambling lords ang Loterya para sa kanilang illegal na sugal. Magtatapon din ng pera sa mga hepe ng PNP. Umano’y P3-milyon bawat buwan ang tinatanggap ng police officials sa gambling lord.
Pinalitan lang ng pangalan ang STL pero iyon pa rin ang likaw ng bituka. Bakit hindi “bigwasan” ang jueteng lords at corrupt police officials? Kaya itong ipatigil. Political will ang kailangan.