Hindi puwedeng kasali sa kaso

 MATAPOS ang paglilitis at ang pagsusumite ng lahat ng ebidensiya, napatunayan ng hukuman at dineklara ng Provincial Agrarian Reform Adjudication Board (PARAD) na talagang walang bisa  ang kasunduan. Ipinag-utos din nito na respetuhin ni Eulogio ang pagiging tenant ni Lydia sa lupa bilang kabiyak ng namatay na si Fredo na siyang orihinal na tenant nito matapos maisauli ni Lydia ang P50,000 na tinanggap niya kay Eulogio. Noong inapela ang desisyon ay kinampihan pa rin ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board (DARAB) si Lydia dahil mula pa noong nabubuhay si Fredo ay sila na ang tenant ng mga magulang ni Eulogio.

Kinuwestiyon ni Eulogio hanggang Court of Appeals ang nasabing desisyon. Habang nakabinbin ang kaso ay namatay na rin si Lydia at hiningi ng anak niyang si Nida na siya ang ipalit  sa kaso bilang legal na tagapagmana ng ina. Kinontra naman ito ni Eulogio. Ayon sa kanya ay anak-anakan at hindi naman talaga tunay na anak ni Lydia si Nida kaya sa pagkamatay ng matandang babae ay nawalan na rin ng silbi ang kaso dahil ito lang ang nag-iisang tagapagmana ni Fredo. Tama ba si Eulogio?

MALI. Ang legalidad ng pagiging anak ng isang tao ay hindi puwedeng kuwestiyunin at gawing depensa o di tuwirang issue sa isang kaso na may ibang layunin.

Kailangan na direktang magsampa ng kaso na ang tanging pag-uusapan ay ang legalidad ng kanyang pagi-ging anak at hindi ito puwedeng isabit bilang karagdagang isyu (collateral attack). Kinumpirma ng ating batas (Articles 170 & 171 Family Code) kung paano lang puwedeng kuwestiyunin ang pagiging legal na anak ng isang tao.

   

Ito rin ang batas na pa­rehong ginagamit kung sakaling ampon lang ang bata. Hindi rin puwede na habang dinidinig ang kaso sa partihan ng mamanahin ay saka ihahabol na kuwestiyunin ang pagi-ging legal na ampon ng isang tagapagmana.  Kung sakali, ang puwede lang gawin ng administrador (testatrix) ay magsampa ng hiwalay na kaso na ito lang ang isyung sasagu-tin. Sa kaso ng tunay na katayuan ni Nida, ang le­g­alidad ng kanyang pa­giging anak o kahit pa ampon ay hindi puwedeng isahog sa kasong ito tungkol sa pagpapawalambisa sa kasunduan (Reyes vs. Mauricio, G.R. 175080, November 24, 2010, 636 SCRA 79).        

Show comments