Mapapalad ang taga-Customs

KAYA naman pala nakakalusot ang smugglers sa Bureau of Customs ay dahil lumang estilo pa ang pinaiiral. Katulad na lamang sa pag-x-ray ng mga container na inilalabas sa North Harbor at Manila International Container Port (MICP) na ayon sa mga nakausap kong brokers ay nagkakahalaga lamang ng P560 sa bawat container ang bayarin. Subalit dahil nga sa pambabraso ng mga tiwaling alipores ni Customs commissioner Ruffy Biazon, tumaas ang bill of lading sa North Harbor at MICP ng P2,000 at kung may masilip sa x-ray na kahina-hinalang kargamento ay agad na inilalagay sa alert status.

Naging palabigasan din umano ng departamento ni Collector Lourdes Mangauang ang brokers dahil may ayusan din palang nangyayari upang mailabas sa Customs. Nasaan ang ipinagmamalaki ni Pres. Noynoy Aquino na “tuwid na daan” kung sa proseso palang ng mga kargamento ay palpak na ang kanyang mga trusted na tauhan sa Customs! Kawawa naman si Finance sec. Ceasar Purisima na halos di-makatulog sa pag-iisip kung paano mapapataas ang taxes collection sa Customs.

Tumataginting na P5,000 kada container ang usapin sa pagitan ng brokers at mga tauhan ni Mangauang. Ang masakit kahit sangkaterba sa dami ang ilalabas ng brokers sa container yard ng Customs, isang container lamang ang isinasalang sa x-ray machine. Kaya maliwanag pa sa sikat ng araw na makakalusot nga ang mga smuggler. Bukod diyan, ibinunyag din sa akin ng brokers na sina Roger Sio at Jennie, mga inspectors kuno sa North Harbor at MICP ang umeepal upang maayos ang kargamento sa halagang P5,000 bawat container.

Mapapalad talaga ang taga-Customs, dahil limpak-limpak ang naipapasok nila sa bulsa na laway lamang ang puhunan. Kaya hindi kaduda-duda na sa bawat viewing este, press presentation ni Biazon ay super galante nga si Glenda sa pamumudmod ng datung sa mga hao-shiao na media personalities. Kasi nga malakas ang ugong-ugong sa Customs na tatakbong senador si Biazon sa 2013 election. At upang makatulong nga sa ambisyon ni Biazon sa 2013, palaging may press presentation na ino-organisa si Glenda sa BOC office ng Maynila, Subic Free Port at Ninoy Aquino International Airport.

Show comments