Nagbigay ng kaunting komento ang kaibigan natin at kolumnistang si Dr. Willie Ong at misis na si Dra. Liza Ong sa naisulat ko kahapon sa appointment ni Kenneth Hartigan-Go bilang bagong director ng Food and Drug Administration (FDA).
May mga tumututol kasi sa kanyang appointment porke labag daw sa batas ito dahil nagtrabaho siya sa Zuellig Foundation na isang ahensyang pinopondohan ng Zuellig Pharma, isang malaking tagagawa ng gamot na sinasabing may “conflict of interest.” Sabi ng mga oppositors ni Go, paano daw magiging patas ang pamamahala ni Go kung nagkaroon siya ng koneksyon sa isang pribadong multinational pharma firm?
Sabi ni Doc Willie, isang “straight guy” at kilalang walang bahid ng katiwalian si Go kaya marami ang tumitira sa kanya para masilat ang appointment. Ani Doc Willie, maraming pinagpilian sa posisyon ang screening committee sa Department of Health pero talagang si Go lang ang karapatdapat lalu pa’t nagsilbi na itong deputy director ng FDA.
Subalit sa ilalim ng RA 3720, di puwedeng hirangin ang sino man kung siya ay naglingkod sa pribadong kompanya ng gamot. Kailangan munang palipasin ang tatlong taon mula nang mawala sa tungkulin bago ito mahirang.
Ani Doc Willie, isang kalaban ni Go sa Kongreso ang naglakip sa disqualification clause na nabanggit para hindi manombrahan si Go.
Isa pa, sinabi ni Doc. Willie na matagal nang wala sa Zuellig Foundation si Go at bilang dati nang nanilbihan sa FDA, nakita ang kanyang track record sa paghadlang sa mga lagayan at suhulan para maaprobahan ang mga gamot na sub-standard. Paano raw namang magiging corrupt and taong dating mayaman na?
Sa mga nagdaang panahon, nagkaroon ng pangit na reputasyon ang FDA sa pag-aaproba sa mga medisina, pagkain, kosmetiko at iba kapalit ng halaga.
Isang doctor din si Go na ang specialization ay toxicology o mga gamot na nakalalason kaya bagay na bagay na mamuno sa FDA.