SA iniutos niyang pagsasapubliko ng kanyang Statement of Assets and Liabilities (SALN), may duda pa bang si Chief Justice Ma. Lourdes A. Sereno ay magiging instrumento ng reporma? Matapos manguna sa pag-release ng kanyang SALN, agad sumunod ang buong Supreme Court. Sa unang pagkakataon matapos ang higit 20 taon, inilantad na rin ng mga miyembro ng hukuman hindi lamang ang summary ng kanilang pag-aari at pagkakautang kung hindi mismo ang imbentaryo o talaan ng mga ito. Alam na natin kung ilang bahay, sasakyan, alahas, utang na meron si CJ at ang kanyang pangkat ng magigiting na lingkod bayan. Hindi na masasabing nakabalot sa sekreto ang malaking puting edipisyo sa Padre Faura. Ang kaputian ay ngayo’y simbolo na ng liwanag na nagmumula sa mismong mga mahistradong namumuno rito.
Rebolusyonaryo at hindi lang karaniwang reporma ang hinihingi ng pagkakataon at ng panahon ngayon. Sa tatlong sangay ng pamahalaan, ang Hudikatura ang pinakamalayo sa taumbayan. Hindi sila halal ng tao at wala silang pananagutan sa pampublikong opinyon. Ang kanilang loyalty ay sa Konstitusyon. Dapat lang dahil ang ehekutibo at ang lehislatura, bilang mga rektang kinatawan ng tao, ay kapwa maaasahang titiklop sa kagustuhan nang marami kahit hindi naaayon sa batas. Sa ganitong pagkakataon ay kailangang handang manindigan ang ating mga mahistrado upang itaguyod ang batas kahit pa taliwas sa popular na kagustuhan. Sa kabila nito ay hindi nila tinatalikuran ang inaasahan sa kanila bilang lingkod bayan – transparency at accountability sa kanilang serbisyo.
Hanggang ngayon, karamihan sa ating mga mambabatas ay hindi pa rin inilalabas ang kanilang mga sekretong SALN. Maging ang mayorya ng prosecution panel sa impeachment ni Chief Justice Renato C. Corona ay hindi napapangatawanan ang pamantayan na hiningi nila mula kay CJ Corona. Ang head ng panel na si Cong. Niel Tupas ay nagmamatigas pa rin sa pagpirma ng waiver.
Ang hakbang ng Supreme Court ay hayagang hamon sa ating Executive at Legislative branches na isiwalat na rin ang kanilang mga SALN alang-alang sa diwa ng transparency at accountability na pina-ngatawanan ng Korte.