SAYANG at kung kailan pa siya nawala ay doon lang nakilala nang husto si DILG Secretary Jesse Robredo. Sa pagbaha ng impormasyon sa kanyang pagkatao ay naunawaan natin ang bigat ng kawalan sa atin ng kanyang pagkamatay. Sana ay naiparamdam sa kanya ang ganitong paghanga at respeto habang siya’y nabubuhay pa.
Ang kagulat-gulat na pagluksa at pakikiramay ng taong bayan ay patunay lamang na patuloy na umaalab sa puso ng Pilipino ang mga prinsipyong pinangatawanan ni Robredo. Maaring nailibing na siya kahapon subalit ang kanyang mga pinamanang pamantayan ng paglilingkod ay patuloy na gagabay at susubukang tularan ng napakaraming henerasyon ng Pilipino.
Kung ang pamamaalam ni Robredo ay naging madagundong na National Event, natumbasan ang ingay nito ng kamangha-manghang pagdating ni Ma. Lourdes “Meilou” A. Sereno, ang ipinalit ni President Aquino kay Renato C. Corona bilang Chief Justice ng Supreme Court.
Si Chief Justice Sereno ay “insider” dahil siya’y Associate Justice na nang hirangin ni P-Noy. Bago siya na-appoint, marami ang nagparamdam na sana’y hindi magtalaga ng “outsider” ang Presidente. Makaka-demoralize daw sa Judiciary sa halip na makatulong na ibangon ang institusyon.
Insider nga si Sereno subalit ito na ang pinaka-“outsider” sa lahat ng nakaupong mahistrado sa ngayon. Hindi lamang pinakabata sa kasalukuyang 14 justices, ito rin ang pinakamaikli ang karanasan bilang mahistrado. Ibig sabihin ay siya ang may pinakasariwa at kritikal na pananaw sa mga proseso ng hukuman. Isa itong dahilan kung bakit sa TRO controversy ni Gng. Arroyo ay hindi nagdalawang isip si Sereno na isapubliko ang detalye ng kanyang pagkontra kahit inasahang itago sa likod ng belo ng “judicial privilege” ang kanilang deliberasyon. Hindi naman ito kawalan ng respeto sa mga patakaran ng institusyon kung hindi pagkilala na higit na mahalaga ang mga prinsipyo na humahaligi rito.
Sa isang institusyon na nangangailangan nang malawakang reporma at sa isang administrasyong pinapangako ang pagbabago sa lahat ng baitang ng pamamahala, ang appointment ng isang subok na “reformist”, kahit pa marami ang nasagasaan, ay hindi lamang tagumpay ni Sereno at ng Pilipinas. Tagumpay din ito ng isang Presidente na pinatunayan ang pagpapahalaga niya sa pagpapatuwid ng daan at, higit sa lahat, ang kakayanan niyang pangatawanan ang kanyang ipinangako gaano man ito kahirap gawin.