ANG panawagan ni Presidente Aquino sa bagong Supreme Court Chief Justice na si Ma. Lourdes Aranal Sereno ay “ibalik ang tiwala ng taumbayan sa hudikatura.” Hindi high profile si CJ Sereno kaya maituturing na providential o kalooban ng Diyos ang pagkakapili sa kanya ni Presidente Aquino.
Bago maitalaga, isa na siyang associate justice ng Korte Suprema ngunit hindi masyadong matunog ang pangalan. Naagaw niya ang aking pansin nang kinapanayam siya ng Judicial and Bar Council. Kasama lagi ang Diyos sa lahat ng kasagutan niya. Bakas ko ang sinseridad sa kanyang pananalita. Iyan ang kailangan natin, sabi ko sa aking sarili.
Bagamat maraming nagagalak sa pagkakatalaga niya sa posisyon lalo na sa hanay ng mga born-again Christians, mayroon din namang nagdududa. Siguro dahil isa siyang babae at wala pang babaeng nanungkulan bilang Punung Mahistrado. Masasabi ko naman ito:
It is always right to give the benefit of the doubt to anyone lest we become hopeless and say: “This is the beginning of another forthcoming failure. “ Look upon God and not on the person.
Alalahanin natin ang kasaysayan ng maliit na pastol na si David. Nang una’y nilait-lait dahil nagboluntaryong sasabak laban sa isang higante. Ngunit niloob ng Diyos na maitumba ng isang paslit tulad ni David ang higanteng si Goliath. Kung sino ang Diyos noong araw ay siya pa ring Diyos natin ngayon.
Sa wikang Español, ang kahulugan ng sereno ay “panggabing bantay” o night watchman. Angkop ito sa bagong CJ dahil itinalaga siya sa panahon ng kadilimang bumabalot sa ating justice system bunga ng pagsasamantala ng ilang hukom at mahistradong nagbebenta ng kanilang mga desisyon. Kaya ang unang panawagan ng Presidente kay Sereno ay “ibalik ang tiwala ng taumbayan” sa sistemang pangkatarungan ng bansa.
Ang tanong ng iba: hindi kaya lamunin ng bulok na sistema si Sereno? Lahat ng tao ay may kahinaan kaya kailangan niya ang ating mga panalangin na lukuban lagi siya ng Banal na Espiritu upang bigyan ng karunungan sa maayos na pagtupad niya ng kanyang tungkulin.