MARAMING sektor ang nananawagan para sa pagpapatupad ng hakbanging magpapalakas at magpapaunlad ng political party system sa bansa. Ayon sa aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, isa sa pangunahing may-akda ng consolidated na Senate Bill 3214 (An Act Strengthening the Political Party System), kailangang ma-institutionalize at mapatatag ang mga political party bilang mahalagang haligi ng demokratikong sistema at mahusay na paggogobyerno.
Layunin ng panukala ang mga sumusunod:
• Isulong ang reporma sa campaign financing sa pamamagitan ng mga epektibo at transparent na mekanismo na magtitiyak ng pantay na oportunidad sa mga political party at kanilang mga kandidato tuwing eleksiyon.
• Tulungan ang mga political party sa pagsasagawa ng mga hakbanging magpapataas ng kalidad ng kanilang mga kandidato at programa.
• Palaganapin ang voters’ education at civic literacy programs sa mga mamamayan.
Itatatag din nito ang state subsidy fund na gagamiting pantulong sa mga political party sa kanilang party admi-nistration, recruitment, civic education, research and policy development; education and training ng mga miyembro, institution building at constituent outreach program.
Ang halagang matatanggap ng bawat political party mula sa state subsidy fund ay kailangang tapatan nila ng katumbas na halaga na magmumula naman sa malilikom nilang boluntaryong kontribusyon ng mga indibidwal o grupong sumusuporta sa kanila. Ang naturang mga party ay kailangang magsumite sa Comelec ng detalyadong ulat kung paano at sa anu-anong mga bagay nila ginastos ang halagang nakuha sa state subsidy fund gayundin ang mga kontribusyong nalikom.
Itinatakda rin ng panukala ang pagpataw ng kaukulang parusa sa paglipat-lipat ng isang kandidato sa iba’t ibang political party tuwing nalalapit ang halalan.
* * *
Happy b-day: Gen. Luna, Quezon Mayor Jose Sangalang at Dipolog Bishop Jose Manguiran (Aug. 27); Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, So. Leyte Rep. Roger Mercado, Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II at Batangas Rep. Mark Llandro Mendoza (Aug. 29).