MAHIRAP talaga paniwalaan ang istorya ni murder convict Rolito Go. Sino naman ang baliw na kikidnap sa kanya at sa pamangking nurse sa loob ng National Bilibid Prison? Hindi lang isa ang kidnapper kundi apat, at de-armas pa! Papano nakapasok ang mga ‘yun sa Bilibid? Ipagpalagay nang mas maluwag ang security sa living-out compound, kung saan may kubo si Go, aba’y may guwardiya rin doon -- at sila nga ang mga sinibak dahil sa pagkawala ni Go nu’ng Martes.
Malabo rin ang detalyes ng “kidnapping.” Kesyo dinala si Go sa isang bahay sa Sto. Tomas, Batangas, pero hindi niya alam kung saan. Nanghingi raw nu’ng una ng P50-milyon ransom, pero ibinaba ito sa P1 milyon nang igiit niyang wala siyang gan’ung halaga. Matapos ang 20 oras, si Go pa ang binigyan ng P500-pamasahe pabalik sa Bilibid.
Dati nang pugante si Go. Matapos niyang barilin sa mukha ang engineering student na si Eldon Maguan sa San Juan nu’ng 2001, umiwas siya sa husgado. Nahuli at ipiniit siya sa Rizal Provincial Jail. Ilang linggo mula masentensiyahan ng habambuhay na bilanggo, tumakas siya mula sa piitan. Dalawang taon bago siya mahuli sa Pampanga.
Mahirap magtiwala sa isang pugante. Dahil sa ugali niyang suwayin ang batas, hindi dapat binigyan si Go ng pribilehiyo na malimit lumabas ng bilangguan para umano’y magpadoktor. Hindi dapat pinayagan na magkaroon siya ng personal nurse sa kulungan. At hindi dapat ipinagtayo ng kubo sa living-out compound.
Ngayon lang umano hihigpitan si Go, matapos ang kahiya-hiyang pagkabisto na nawawala siya sa kulungan. Ililipat daw siya nang anim na buwan sa maximum security building. Kulang ‘yon. Dapat palayasin ang pamangkin mula sa Bilibid, at pahabain pa ang sentensiya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com