PRINSIPYO, delikadesa. Sa ganitong pamantayan makikilala si P-Noy. Tuwid na daan. Maliban sa sariling ina na si Cory, wala na siguro sa mga naging presidente ang hihigit kay Aquino sa linis ng reputasyon at sa tiwala ng taong bayan.
Kaya naman hindi maintindihan kung bakit pumapayag itong mapalibutan ng mga walang prinsipyo at kulang sa delikadesa. Exhibit “A”: hindi na magkandaugaga sa sikip sa itaas ng army relief truck si P-Noy at ang kapatid na si Kris dahil sa nagbabanggaang makakapal na pagmumukha ng mga pulitikong nais sakyan ang pinsala sa kapwa para lang magpapogi sa publiko. Habang ang mga kababayan natin ay naglalakas loob upang harapin ang trahedyang sinapit, sina Angara, Baraquiel at Villanueva ay naglalakas apog na umeksena sa bigayan ng relief goods na hindi naman nila ginastusan. Ok lang sana kung taal na pakikiramay ang ugat ng kanilang simpatiya o kung sila nga’y nag-ambag sa gastos. Ang kaso’y hindi ganon ang katotohanan. Ang “Epal gang” ay pawang mga deklaradong kandidato sa pagka-senador.
Sa paaralan ng aking anak kung saan agarang nagtatag ang school officials, parents, students at alumni ng relief operations, habang nagmimisa ay pinasalamatan ng school director ang lahat ng tumulong. Nang hiningi niyang tumayo ang mga volunteer upang kilalanin, halos walang parents na tumayo dahil ang abiso ng kanilang mga anak ay “Ma, hindi naman natin ginagawa ito upang kilalanin di ba?”
Exhibit “B”: Sa kabila ng pag-aalala ng marami na ipupuwersa si Sec. Leila C. de Lima sa shortlist for Chief Justice, nanindigan ang JBC at pinangatawanan ang kanilang rules na disqualified nga ang mga may pending administrative case. Ilang araw din tayo na-suspense na kung ang JBC ay bibigay sa pressure ng Malaca- ñang o gagampanan nito ang mando na tumulong sa pagkakaroon ng independent Judiciary. Alam na natin ang sagot sa katanungan. Sa kasalukuyang komposisyon ng JBC ay makakaasa tayo ng lagi nitong uunahin ang tama. Gaya ng sinabi ni Sec. de Lima na miyembro rin ng JBC, ang kanilang patakaran, imbes na paluwagin ay dapat pa ngang lalong higpitan. Prinsipyo, delikadesa. Walang garapalan.