BINAWI na ng Cambodia ang kanilang ambassador sa Pilipinas. Walang binigay na opisyal na dahilan ang Cambodia sa pagbawi at pinaalam lamang sa ating gobyerno sa pamamagitan ng salita lamang. Maraming naniniwala na may kinalaman ang mga nilabas na pahayag ng ambassador sa isang pahayagan na maruming pulitika ang ginawa ng Pilipinas at Vietnam sa pagharang sa isang pahayag sa natapos na ASEAN summit na ginanap sa Cambodia. Kung nasusundan ninyo ang mga balita, gustong talakayin ng Pilipinas ang nagaganap na alitan at duruan sa West Philippine Sea, partikular sa Scarborough Shoal at sa Spratlys, kung saan kilos-maton na ang ginagawa ng China sa pag-aangkin ng lahat ng isla sa karagatan! Pati na rin ang plano ng China na magtayo na ng isang military garrison sa isang isla na inaangkin din ng Vietnam.
Pero lumabas ang kulay ng Cambodia na kasangga nito ang China at tila hinarang ang paglabas ng isang pangkalahatang pahayag mula sa ASEAN. Sa kasaysayan ng organisasyon, hindi pa ito nangyayari kailanman. Dahil sa nangyari, nagreklamo ang Pilipinas. Pero dahil sa mga kilos ng isang opisyal mula Indonesia, naglabas din ng pahayag ukol sa nagaganap na problema sa West Philippine Sea, pero hindi pa rin deretsong binatikos ang China. Dito na nagsalita ang ambassador ng Cambodia na marumi raw mamulitika ang Pilipinas at Vietnam ukol sa mga problema ng karagatan.
Natural, pinatawag natin ang ambassador ng Cambodia para ipaliwanag ang kanyang mga pahayag, na medyo maanghang naman talaga. Pero ayun, may sakit daw kaya hindi makapunta sa patawag. Tapos malalaman na lang natin na binabawi na siya ng Cambodia. Ito na ang mga unang kilos na maaaring maging sanhi ng lamat ng organisasyon, kung hindi aagapan ang mga samaan ng loob. Iyan ang mahirap kapag may malaking maton na bansa na nagdidikta na ng kilos ng mga maliliit na bansa!
Matagal na organisasyon na ang ASEAN. Sana naman ay hindi masira ang magandang pagsasamang ito nang dahil lamang sa pagkampi sa isang bansa na hindi naman miyembro. Kapakanan ng rehiyon ang pinag-uusapan na dito. Kaya nga tayo miyembro ng isang asosasyon ay para magtulungan, hindi para magbangayan! Diplomasya ang kailangan sa lahat, hindi pananalita na wala sa lugar!