Editoryal - Bantayan ng DTI ang mga matatakaw na negosyante

TUWING may patay na tao o hayop, lumilitaw ang mga matatakaw na buwitre at saka lalantakan ang bangkay. Ganyan din ang mga negosyante. Kapag may kalamidad – bagyo, baha, lindol at iba pa, umiiral ang pagkagahaman ng mga negosyante. Iho-hoard nila ang kanilang mga paninda na gaya ng bigas, sardinas, tuyong isda, asukal, kape, noodles at iba pa at kapag inaakala nilang nagkakaubusan na ng mga paninda, saka nila ilalabas pero doble o triple ang presyo. At wala namang magawa ang kawawang biktima ng kalamidad kundi bilhin ang paninda kahit mahal. Magugutom sila kapag hindi bumili.

Mas masahol pa sa mga tunay na buwitre ang mga negosyante. Ang mga buwitre kapag nabusog ay iiwan na ang mga nilalantakang bangkay. Ang mga ganid na negosyante kahit napakarami nang kinita ay patuloy pa rin sa pagsasamantala. Wala silang kabusugan at kahit na kaliit-liitang produkto na maaaring pagkakitaan ay itataas ang presyo. Walang ibang naiisip ang negosyante kundi ang kumita nang kumita. Kahit punumpuno na ang kanilang bulsa at umaapaw na sa kita, walang iniisip kundi kumita pa.

Sa ganitong sitwasyon, ang Department of Trade and Industry ang nararapat kumilos para ma-monitor ang mga negosyanteng magsasamantala sa taumbayan. Hindi dapat magpa-relaks-relaks ang mga taga-DTI sapagkat mabilis makaisip ng paraan ang mga ganid na negosyante kung paano makapagbebenta sa mataas na halaga. Alam ng mga ganid na hindi na pipiyok sa presyo nila ang mamamayan. Alam nila na kapag gutom ang tao, bayad na lang nang bayad at saka na lang ang pagtatanong ukol sa presyo ng binili niya.

Inatasan na ni President Aquino ang DTI na mag­ karoon ng price freeze sa basic commodities sa mga lugar na idineklarang calamity area. Ayon sa Presidente ipaiiral ang automatic price freeze sa mga pangunahing pangangailangan sa mga lugar na grabeng pininsala ng baha. Ayon naman sa DTI tatagal ang price freeze ng hanggang 60 days.

Kapag may mga negosyanteng lumabag sa kautusan ng Presidente, dapat itong panagutin ng DTI. Hindi dapat pinatatawad ang taong masahol pa sa buwitre. Kilos na DTI, magmanman, subaybayan at parusahan ang mga mapagsamantala.

Show comments