ANG mga Kristiyanong simbahan na mayroong hapag kainan ay ang Katoliko, Greek-Orthodox, Anglican at Aglipay. Lahat ay mayroong hapag kainan na sa bawa’t pagdiriwang ay ating pagsunod sa habilin at itinalaga ni Hesus na Huling Hapunan. Mayroong tayong hapag kainan sapagka’t itinalaga ni Hesus na sa bawat pagdiriwang ay ating isinasapuso at isipan ang Salita ng Diyos at isinasabuhay ang katawan at dugo ni Hesus.
Maging sa Salmo 144 ay nakasaad: “Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Panginoon”. Ang pagdiriwang sa Banal na Misa ay isang kainan, isang hapag sa ating pananampalataya na doon natin pinagsasaluhan ang pagkain ng ating buhay, Kaya’t sa ebanghelyo ngayon ay muling ipinakita sa atin ang himala ng pagpaparami ng isda at tinapay. Sinundan si Hesus ng napakaraming tao sapagka’t nakita nila ang kababalaghan at pagpapagaling sa mga may sakit. Hinangaan din ni Hesus ang napakaraming tao na sumunod sa Kanya upang makinig sa Kanyang aral.
Hindi inalintana ng mga tao ang kanilang tiyan kung sila ay gutom na, manapa’y si Hesus ang nakaalam nito kaya tinanong niya si Felipe: “Saan tayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga ito”? Kahit 200 dinara-yong halaga ng tinapay ay hindi magkakasya sa kanila, paliwanag ni Felipe. Sinabi naman ni Andres na merong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda. Nang marinig ito ni Hesus ay pinaupo niya ang lahat; nagdasal ng pasasa-lamat; pinaghati-hati ang mga tinapay at isda. Nakakain at nabusog ang lahat.
Kailanman ay di tayo pababayaan ng Panginoon. Hinihingi muna ng Diyos ay ang ating pakikipag-ugnay sa Kanya. Sabi ni Pablo: “Maging mapagpakumbaba, mabait at matiyaga. Magmahalan at magpaumanhinan”. Tuwing ako’y magmimisa sa mga chapel na walang Blessed Sacrament ay lagi kong pinadadamihan ang ostiya.
Di baling sumobra ang kakainin sa Banal na Hapag o komunyon kaysa naman di makasalo ang ibang mga sumisimba at nakipagdiwang. Di baleng sobra huwag lang kulang.
2Hari 4:42-44; Salmo 144; Efeso 4:1-6 at Jn 6:1-15