ANG pagkaitan ng karapatang magsampa ng motion for reconsideration sa desisyon ng Comelec-DOJ Investigating panel; ang sapilitang pagpatupad ng hold departure order ng Secretary of Justice; ang pagsuway ni De Lima sa TRO ng Supreme Court; ang minadaling issuance ng Pasay RTC ng warrant of arrest. Ang lahat ng hakbanging ito ay pinataw kay Gng. Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang kasong electoral sabotage. Ang lahat ng hakbanging ito ay mali.
Tatlong karapatang pantao ni Gng. Arroyo ang nilabag ng pamahalaan, ng Executive at Judicial Branches. Ang kanyang right to due process na hindi basta pananagutin hanggat hindi nabibigyang pagkakataong harapin ang mga akusasyon laban sa kanya; ang kanyang right to travel; at ang kanyang mismong kalayaan o liberty.
Malinaw na pagbaboy at pagsamantala sa proseso ang piniling gawin ng pamahalaan sa takot nitong makaalis si Gng. Arroyo ng bansa. At noong Miyerkules ay lalo pa itong luminaw nang payagan ng Pasay RTC si Arroyong magpiyansa. Iisa lang ang kahulugan nito: Kung malakas ang ebidensya, walang piyansa. Kung mahina, may piyansa.
Sa paglarawan ni Atty. Ferdie Topacio, ang kaso ng gobyerno ay kasing labnaw ng sabaw ng nilagang anino ng manok na hinayaang magutom hanggang mamatay. MALI, MINADALI NA, MAHINA PA.
Sa kabila nito ay nakuha pang maninindigan ng Sandiganbayan Legal Division sa pangunguna ni Atty. Ruth Ferrer na dapat daw ay hindi pinalaya si Gng. Arroyo dahil mayroon din itong pending na plunder case sa Sandiganbayan. Kahit daw wala pang warrant of arrest galing sa mga Hukom ng Sandiganbayan ay maari pa ring pagkaitan ng kalayaan si Gng. Arroyo.
Huh? Ang ganitong mga opinyon ay walang lugar sa isang malayang lipunan. Napakadelikado ng implikasyon kung ang ating mga institusyon, lalo na itong Sandiganbayan na nasa Judicial Branch, ang siyang mismong tatalikod sa respetong nauukol sa ating karapatang pantao. Hangga’t walang kautusan ang anumang korte na arestuhin ang isang akusado, hindi maaring basta basta balewalain ang kanyang karapatang maging malaya na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.