HINDI na umano makita ang may-ari ng Globe Asiatique na si Delfin Lee. Pinaniniwalaang nakalabas na ito ng bansa. Natitigatig si Vice President Jejomar Binay sa pagkawala ni Lee kaya pinag-aaralan niyang mag-alok ng P1-million reward para mahuli ang housing developer. Ayon kay Binay, ang pagbibigay ng reward ang pinaka-magandang paraan para madakip ang taong nanloko sa Pag-IBIG o Home Development Mutual Fund (HDMF). Si Lee ay sinasabing nakakuha ng P7.03 billion sa Pag-IBIG mula March 2008 hanggang August 2010. Ayon sa batas, P500-million lamang ang hinahayaang grant ng Pag-IBIG para sa accredited developers. Pero kay Lee ay sobra-sobra na umabot ng bilyones.
Ang pinaka-masama pa, ang mga kumuha ng unit sa Globe Asiatique ay pinalalayas na ng mismong developer. Natuklasan naman ng mga may-ari ng unit na ang kanilang kinuha ay pag-aari rin ng iba. Nagkaroon umano ng double selling. Ang isang nagrereklamong babae na kumuha ng unit sa isang condo sa Mandaluyong ay nagsabing dalawa silang may-ari ng unit gayung malinaw na may mga resibo siya ng pinagbayaran. Nagrereklamo rin ang mga kumuha ng bahay sa San Mateo, Rizal, Valenzuela City at San Fernando, Pampanga, sapagkat pinaaalis umano sila roon ng Asiatique. Dugo at pawis daw ang kanilang pinuhunan para makakuha ng unit at pagkatapos ay paaalisin sila dahil meron daw lehitimong may-ari.
Ayon sa mga nakabili ng bahay, grabe ang ginawa sa kanila ng Asiatique. Kailangan daw pagbayarin sa kasalanan si Lee.
Maganda sana ang reward na P1-million kay Lee para madaling madakip pero saan naman kukunin ang pera, sa Pag-IBIG members? Hindi tama. Nalinlang na nga ang miyembro ay bakit pati pang-reward ay doon kukunin. Mas mabuti pa kung i-pressure ang PNP at NBI para hanapin si Lee. Huwag nang galawin ang pera ng miyembro sapagkat ang perang iyon ay mula sa pawis at dugo ng miyembro. Hanapin at pagbayarin ang nandenggoy sa Pag-IBIG.