MARAMING mahihirap ang nabahala sa balitang ipi-phase out na ang charity wards sa mga pampublikong ospital sa susunod na taon. Kung aalisin, saan pupulutin ang mga mahihirap na walang pampaospital at pambili ng gamot. Makaraang mabasa ang balita kamakalawa, tila marami agad ang nagkasakit na mahihirap. Hindi maganda ang balita na tila taliwas sa mga sinasabi ni President Noynoy Aquino sa kanyang una at ikalawang State of the Nation Address (SONA). Noong unang SONA, Hulyo 26, 2010, sinabi niya na target ng kanyang pamahalaan na mabigyan ng PhilHealth coverage ang limang milyong pinaka-mahihirap na Pilipino. Nasa P9 na bilyon ang kailangan para iyon maisakatuparan.
Sa Ikalawang SONA noong Hulyo 25, 2011, tiniyak niyang makikinabang sa PhilHealth ang limang milyon at dalawandaang libong pamilyang Pilipino. Malawakang pag-unlad at pag-asenso ng lahat ang kanya raw panata at wala raw maiiwan sa tuwid na landas.
Malinaw ang sinabi niya sa dalawang SONA na may kinalaman sa kalusugan ng mga mahihirap na Pilipino. Kaya naman nang sumabog ang balita na ipi-phaseout na ang para sa charity patients, marami ang nabahala. Nasaan na ang pangako ni P-Noy?
Nilinaw naman ni Health secretary Enrique T. Ona na tuluy-tuloy ang serbisyo ng mga gobyernong ospital para sa charity patients. Hindi umano totoo ang balitang aalisin na ang serbisyong medical. Kung wala raw pambayad ang pasyente, tatanggapin pa rin sila ng pampublikong ospital. Libre ang kama at serbisyo ng mga doctor.
Ayon pa kay Ona, pinaiigting pa ang serbisyo para sa mahihirap. Naglaan na ng P12 bilyon ang pamahalaan para sa pagbibigay ng PhilHealth card sa 5.2 milyong pamilyang mahihirap. At dahil marami nang mahihirap ang may PhilHealth cards, pararamihin din daw ang PhilHealth beds sa mga ospital. Gusto umano ng pamahalaan na ma-enroll ang lahat ng Pilipino sa PhilHealth. Sa kasalukuyan, 82 milyong Pilipino na ang covered ng PhilHealth. May 1,572 gobyernong ospital sa buong bansa at 72 rito ay nasa direktang pamamahala ng DOH.
Inaasahan ang maigting na pagbibigay ng serbisyo sa mahihirap. Lahat ay magagamot sa ospital at makakatikim ng gamot. Hindi katulad sa nakaraang panahon na sa kawalan ng pampaospital at pambili ng gamot ay hinihintay na lamang ang lupit ng kamatayan.