KAMI ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, dating President Erap at buong pamilya Estrada ay kaisa ng sambayanan sa pagluluksa sa pagpanaw ng tinaguriang King of Philippine Comedy na si Dolphy.
Mahal na mahal ng taumbayan si Dolphy. Nagbigay siya ng hindi-matatawarang kaligayahan sa milyun-mil-yong Pilipino sa mahabang panahon. Ang kanyang istilo sa pagpapatawa ay nakatulong nang malaki, laluna sa mga mahihirap, sa pagharap sa mga problema. Sa tulong niya, nagagawa pa rin nating makangiti araw-araw kahit gaano man kabigat ang suliranin na ating dinaranas. Pinatunayan ni Dolphy ang katotohanan ng kasabihang “laughter is the best medicine.”
Hindi lang sa pagpapatawa kinikilala si Dolphy. Napakarami ring tao at grupo ang kanyang tinulungan. Kinatawan at isinabuhay niya ang karakter ng Pilipinong may dangal at prinsipyo, nagpunyagi at umunlad, at sa gitna ng natamong tagumpay ay nanatiling mapagkumbaba, matulungin, mapagmahal sa kapwa, masayahin at may takot sa Diyos.
Noon pa, isinusulong na namin ang paggawad ng National Artist award kay Dolphy. Ngayong yumao na siya ay patuloy pa ring lumalakas ang panawagang ito kahit maging “posthumous” na lang.
Ayon nga kay Jinggoy, marami tayong kababayan, partikular sa industriya ng pelikula, ang karapat-dapat sa naturang parangal, pero nangunguna rito si Dolphy. Bukod sa kanyang di-matutumbasang naiambag sa pag-unlad ng industriya ng pelikula at telebisyon, talagang nagdulot siya nang malaking kasiyahan sa maraming henerasyon ng mga Pilipino. Karapat-dapat siyang hiranging National Artist.
Paalam, Dolphy. Maraming salamat sa ibinigay mong kasiyahan.
* * *
Happy B-day: Rep. Benjamin Asilo ng 1st District ng Maynila, Bishop Marlo Peralta ng Alaminos, Auxi-liary Bishop Buenaventura Famadico ng Lipa at Mayor Mark Biong ng Giporlos, Eastern Samar (July 13); Reps. Juan Edgardo Angara ng Aurora at Cinchona Cruz-Gonzales ng CIBAC partylist (July 15); at Rep. Juan Ponce Enrile, Jr. ng 1st District ng Cagayan (July 16).