NAISULAT ko kamakailan ang napabalitang pagtakbo sa Senatorial race ng batang pamangkin ni yumaong ex-senator Benigno Aquino na si Palo “Bam” Aquino at marami tayong tinanggap na positibong komento. Palibhasa, itong si Bam ay ngayon lang sasabak sa politika pero mayroon nang magandang track record sa pagtataguyod ng small scale businesses bilang aktibong leader ng isang non-government organization.
Kabi-kabila daw ang bumuhos na pag-endorso sa kanyang kandidatura sa ilalim ng Liberal Party sa pamumuno ng kanyang pinsang buo, si Presidente Noynoy Aquino.
Palibhasa, ang mga botanteng Pilipino ay nagha-hanap ng mga bata at bagong mukha na may bagong adhikain, pananaw at kakayahan.
Matapos magretiro bilang tagapangulo ng National Youth Commission of the Philippines (NYCP) ni Bam, kasama ang kaibigang si Mark Ruiz ang Hapinoy Community Project na ang layunin ay tulungan ang mga may-ari ng mga sari-sari na mapalago ang kanilang munting negosyo. Libu-libong storeowners sa buong bansa ang nakinabang sa tulong na binibigay ng Hapinoy. Umangat ang kabuhayan nila at nagkaroon ng pag-asa sa kanilang kinabukasan. Umani ng sandamakmak na papuri at mga award si Bam di lamang sa ating bansa kundi sa marami pang dako ng mundo.
Sa tingin ko, ang ganitong adhikain ang susi na magmumulat sa kahalagahan ng sariling-sikap at pag-ne-negosyo ng ating maliliit na kababayan. Sana’y tumulong pa ang ibang mga sektor na palawakin ang adhikaing ito. Todo suporta naman umano sa proyekto ni Bam ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor (DOLE).
Nakatutuwa na ngayon pa lamang, kahit walang kaugnayan sa gobyerno si Bam ay nagagawa na niya ang ganyang serbisyo sa bayan. Nawa, kung palaring maluklok sa Senado ay mas marami pang serbisyo ang magagawa niya.
Sana rin, hindi lamunin ng palsong sistema ng politika si Bam kapag nagtagal sa paglilingkod sa pa mahalaan gaya nang nangyayari sa iba.