EDITORYAL - Mahirap magpatawa

PUMANAW noong Martes ng gabi ang Hari ng Komedya na si Rodolfo Vera Quizon o mas lalong kilala sa pangalang Dolphy. Kilala siya nang marami. Kahit bata, kapag narinig ang panga­ lang Dolphy ay kilala siya. Talagang madaling tandaan ang taong nagpapatawa na gaya ni Dolphy. Mas malakas ang hatak ng isang taong nagpapatawa.

Nasa 170 pelikula ang nagawa ni Dolphy at halos lahat ay comedy. Pinaiyak niya sa katatawa ang maraming tao. Marami siyang pinasakit ang tiyan sa katatawa. Marami siyang pinasakit ang panga sa katatawa at marami siyang tinuruan na kalimutan ang problema sa katatawa.

Sa isang interbyu kay Ms. Boots Anson Roa ng DZMM kahapon, nakagugulat na hindi pala palaimik o masalita si Dolphy. Kung hindi siya kausapin ay hindi siya magsasalita pero kapag nagsalita na ay para namang sinusiang laruan na mahirap nang pigilin o awatin sa pagkukuwento. Maraming ikinukuwento si Dolphy na sa hulihan ng salita ay laging may “punch line”.

Si Dolphy ang nagsimula ng pagbabakla-bakla sa pelikula na lalo pang nagdagdag sa kinang ng kanyang pangalan. Ang kanyang role na bakla ang ginaya naman ng ibang artista pero walang makakopya sa estilo ni Dolphy. Ibang klaseng magpatawa si Dolphy. Natural na natural ang kanyang pagkakaarte. Para bang walang kahirap-hirap ang kanyang pagdedeliber ng mga linya. At matagum-pay niyang napapatawa ang mga manonood. Marami ang nagsisigawan at naghahalakhakan sa loob ng sinehan. Hangang-hanga kay Dolphy.

Maraming nagsasabi na mahirap magpatawa. Mahirap kumbinsihin ang marami na tumawa. Mas madaling magpaiyak. Pero para kay Dolphy, mada­li lamamg magpatawa. Sa kilos na lang niya ay marami nang natatawa. Likas ang kanyang pagpapatawa.

Isang tunay na artist si Dolphy. Walang kuwes­tiyon dito. Dahil sa kanyang likas na talino sa pagpapatawa marami siyang pinaligaya at pinasaya sa loob nang maraming taon.

Sana’y naigawad sa kanya ang National Artist Award bago siya sumakabilambuhay. Nakita sana niya ang pagkilala sa kanyang pagpapatawa na isang mahirap na trabaho.

Show comments