Mataas na opisyal 'utak-wangwang' pa rin

MAIHAHAMBING ko sa anay ang isang opisyal ni President Noynoy Aquino dahil sa ugali nitong unti-unting pagwasak sa tiwala ng sambayanan sa pamahalaan. 

Malinaw na ayaw na ayaw ni P-Noy ng “wangwang” kaya pinagbawalan niya mismo ang kanyang bodyguards na mag-counter flow at gumamit ng “wangwang”. Sumusunod siya sa batas trapiko at pinaninindigan na ang mamamayang Pilipino ang kanyang “boss.”

Pero ang opisyal na itinalaga niya sa puwesto na binansagang si Chocolate ay kabaliktaran ang mga kinikilos nito. 

Pila pa lang sa supermarket sa isang Southern Metro Manila city ay ayaw niya na. Sinisingitan niya ang ibang namimili at komo may mga bodyguard na kasama ay walang nagawa ang mga customer na nagtitiyagang pumila. Minsan pa, ayon sa isang nakasabay niya sa pamimili, gusto pang sarhan ang buong supermarket dahil namimili siya at ayaw niya na may kasabay.

Ang “wangwang boys” niya naman, lantaran kinokontra ang utos ni P-Noy dahil hindi nga sila gumagamit ng “wangwang” pero panay naman ang counter flow dahil baka raw hindi makarating sa tamang oras ang boss nila. Nitong nakaraang ilang araw, panay na naman ang pasikat ng opisyal dahil kandidato siya sa pagka-chief justice ng Korte Suprema.

Kung sa pagpila sa supermarket at pagsunod sa ordinaryong batas trapiko ay ayaw niya, ano ang karapatan niya para maitalaga sa Korte Suprema. 

Kung magtatagumpay ang “Tuwid na daan” ni P-Noy, itong si Chocolate ay hindi lamang dapat burahin sa listahan ng kandidato sa Korte Suprema kundi alisin sa puwesto at ibalik sa lupa. Para siyang anay na sinisira ang mga repormang pinatutupad ni P-Noy.

* * *

Para sa anumang re­ak­­­syon o suhestiyon text e mail sa nixonkua@ymail.com

Show comments