SA Nobyembre 23, 2012 ay eksaktong tatlong taon na mula nang maganap ang karumal-dumal na Maguindanao massacre. Nasa 57 katao ang pinatay at 31 sa mga ito ay miyembro ng media. Magtatatlong taon na ang nakalilipas subalit wala pang nababanaag na hustisya. Maaaring magkatotoo ang sinabi ni Sen. Joker Arroyo na aabutin nang maraming taon bago madesisyunan ang kaso.
Ang masakit, ang mga pangunahing testigo sa karumal-dumal na krimen ay pinatay na. Anim na testigo na ang napapatay. Ang pinaka-huli sa pinatay ay si Alijol Ampatuan, taga-Shariff Aguak. Noon pa umanong Pebrero pinagbabaril ng riding-in-tandem si Alijol. Si Alijol ay kamag-anak ng mga pangunahing suspect sa massacre --- Gov. Andal Ampatuan Sr. at dalawang anak na sina Andal Jr. at Zaldy, kasama ang 196 na iba pang sinampahan ng kaso. Sa 196 na sinampahan ng kaso, 96 na ang nakakulong at 100 pa ang hindi naaaresto.
Kalunus-lunos ang pagpatay na ginawa noon Nob. 23, 2009. Patungo ang convoy ng mga Mangudadatu sa Sharif Aguak para mag-file ng certificate of candidacy. Ang asawa ni Gov. Ismael Mangudadatu kasama ang mga kamag-anak, supporters at mga reporter ng diyaryo ang nag-file ng candidacy para sa asawa. Subalit hinarang ng mga armadong lalaki ang kanilang convoy sa isang checkpoint at pinababa ang lahat nang sakay. Pagkababa ay pinahanay at saka walang awang pinagbabaril. Makaraan iyon ay inihulog ang mga katawan o bangkay sa bagong hukay. Pati ang mga sasakyan ng mga minasaker ay kasamang inihulog sa hukay.
Karumal-dumal ang pagpaslang na ginawa sa mga inosenteng tao. Ang mga kaanak ng bikima ay nanghilakbot sa nangyari. Gawain lamang umano ng mga may sira sa ulo ang ginawang massacre. Walang kalaban-laban ang mga pinatay sapagkat karamihan sa kanila ay pawang mga babae.
Humihingi ng katarungan ang mga kaanak ng pinatay. Madaliin naman sana ang pagbibigay ng desisyon. Bago ganap na maubos ang mga testigo, nararapat nang matapos ang kaso.