PAWNSHOP ang kadalasang takbuhan ng mga nagsasanla ng kanilang gamit kapalit ng kaunting halaga para panandaliang masolusyunan ang problema sa pera.
Ito ang kasong inilapit ni Trina sa tanggapan ng BITAG upang idulog ang kanyang reklamo sa isang pawnshop sa Bacoor, Cavite.
Kuwento ni Trina, nagsimula ang kanyang problema nang isanla niya ang kanyang cell phone kasama ang memory card nito sa Jaro Pawnshop.
Dahil sa patakaran ng nasabing sanglaan, pumayag ang biktima na isama ang kanyang memory card kahit alam niyang naglalaman ito ng kanyang mga hubad na larawan at sex videos.
Pero nagulat siya ng tubusin na niya ito. Ang iniingatang memorycard hindi naibalik ng Jaro Pawnshop! Ilang araw siya nagpabalik-balik at halos magmakaawa na ibigay sa kanya ang memory card. Pero ang mga empleyado ng pawnshop imbes na magpakumbaba, kagaspangan at kaangasan pa ang pinapakita ng mga ito sa biktima
Dulot ng pagkadismaya at pagkabalisa dahil na rin ng takot na lumabas ang kanyang mga “personal files” humingi na ng tulong sa BITAG ang dalaga.
Agad na tumulak ang grupo ng BITAG sa Bacoor Police Station upang samahan ang dalaga para makapagsampa ng pormal na reklamo. Sinamahan din ang dalaga ng Bacoor Police papunta sa Jaro Pawnshop upang pormal na imbitahan sa kanilang tanggapan.
Pero ang matatapang na empleyado biglang tiklop ng makita ang camera ng BITAG. Hindi makausap ang mga ito at pilit na nagtatago. Sa puntong ito ay hindi tumigil ang mga staff ng BITAG hangga’t hindi nakukuha ang panig ng Jaro Pawnshop.
Dahil sa takot na humarap ng Jaro Pawnshop sa aming camera, minabuti namin na idokumento ang pag-uusap ng dalaga at ang sekretarya ng Jaro Pawnshop sa loob ng presinto.
Abangan ang mainit na komprontasyon ng dalaga at sa empleyado ng Jaro Pawnshop sa BITAG.