HAMON namin sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na bilisan ang pagtapos sa kanilang mga proyekto. Tapusin ang paggawa sa mga kalsada, tulay, drainage at iba pa bago sumapit ang May 2013 midterm elections. Kapag hindi nila tinapos ang proyekto gagamitin ito ng mga makakapal na mukhang pulitiko. Ibabalandra ang kanilang mukha at retrato sa billboard at saka ilalagay sa mismong road o bridge projects. Aangkinin nila ang proyekto gayung ito ay mula sa buwis ng taumbayan nanggaling. Hindi dapat hayaan ang mga kapalmuks na pulitiko na gamitin ang proyekto ng gobyerno.
Mismong mga taga-DPWH na ang nagsabi na lantaran na ang paglalagay ng pangalan at mukha ng pulitiko sa mga ginagawang proyekto. Ayon kay DPWH Undersecretary for Regional Operations Romeo Momo na lantaran na ang paglalagay o pagkakabit ng pangalan at mukha ng mga pulitiko sa ginagawang road projects. Inilalagay umano ng pulitiko ang kanilang pangalan at mukha sa billboard na nakalagay mismo sa loob ng proyekto. Maski umano ang mga equipment kagaya ng bulldozer at backhoe ay kinakabitan na rin ng mga mukha at pangalan ng kapalmuks na pulitiko.
Ayon sa DPWH, ang mga lugar na lantaran ang paglalagay ng mukha at pangalan ng pulitiko ay sa Nueva Ecija, Bohol, Maguindanao, Basilan at Tawi-Tawi. Pero hindi na kailangang lumayo pa ang DPWH sapagkat sa Metro Manila ay napaka-rami ring kapalmuks na pulitiko. Maraming proyekto sa Maynila ang DPWH at pinagpipistahan ito ng mga kapalmuks para makalibre. Malaki ang kanilang matitipid kung sasakay sila sa proyekto ng gobyerno.
Isa sa maaaring gawin ng DPWH ay maglagay ng mga magbabantay sa kanilang road projects. Kung mababantayan, hindi magkakaroon ng pagkakataon na maikabit, maisaksak ng mga pulitiko ang kanilang campaign materials. Tama na ang ginagawa ng kapalmuks!