NGAYON ang ika-12 linggo sa karaniwang panahon sa ating simbahan. Tumama ang araw na ito sa kapistahan ni San Juan Bautista na sinimulang ipagdiwang noon pang ikaapat na siglo nating mga Kristiyano, Katoliko Romano at Greek Orthodox. Si Juan ang tinagurian na-ting mga Kristiyano na naghanda sa daraanan ni Hesus sa ating Panginoon.
“Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos”. Siya ang tinig na sumisigaw sa ilang upang maghanda at tuwirin ang Kanyang mga landas. Si Juan ay nagbibinyag sa ilog Jordan upang pagsisihan ang mga nagawang kasalanan. Tinagurian siyang Bautista na ibig sabihin sa Kastila ay nagbibinyag o naglilinis sa mga kasalanan. Siya ang nanguna at naghanda sa daraanan ni Hesus. Kasama siya sa plano ng Panginoon bago pa Niya ipadala ang Kanyang Anak na si Hesus. Mapaghimalang kinasang-kapan ng Panginoon ang isang baog na babae, si Elisa-bet sa Kanyang paglikha kay Juan Bautista.
Isang pagkalinga sa mga baog na huwag mawalan ng pag-asa sa mapaglikhang biyaya ng Diyos. Nauna ang mapaglikhang plano ng Diyos kay Sara, baog na asawa ni Abraham, kinasangkapan siya ng Diyos sa Kanyang paglikha sa mamumuno sa angkan ng may paniniwala sa Panginoong Diyos. Ipinanganak ni Sara si Isaac na pinagmulan ng lahi at angkan ni Israel hanggang kay Haring David. Si Elisabet ay kinasangkapan din ng Diyos sa kanyang paglikha kay Juan na maghahanda sa daraanan ni Hesus.
Tulad ni Josias, si Juan ay pinili ng Diyos bago pa siya ipaglihi. Pinagpala sila ng Panginoon na maging ganap ang kanilang pangangaral tungkol sa kadakilaan ng Diyos. “Hayan, ibinibigay ko sa iyo ang dapat mong sabihin”. Alam nating lahat mula sa banal na Kasulatan na hindi tumigil si Juan sa kanyang pangangaral tungkol sa pagtutuwid sa daraanan ni Hesus. Ang daraanan Niya ay ang ating buong pagkatao na malayo sa kasamaan at
mga kasalanan.
Maging si Haring Herodes ay hindi tinantanan ni Juan upang pagsisihan ang mga nagawang kasalanan at paghandaan ang daraanan ng Panginoon. Ginamit niya ang tubig na simbolo ng paglilinis sa karumihan lalo na sa ating mga kasalanan.
Is 49:1-6; Salmo 139; Gawa 13:22-26 at Lk 1:57-66, 80