3 hunyangong Gabinete

TAO lamang sila, iyan marahil ang katwiran ng ilang miyembro ng Gabinete ni President Benigno “Noynoy” Aquino III sa mga kinikilos ng ilan sa kanila nitong nakaraang araw. 

Maaga pa para banggitin ko ang pangalan nila pero ang isa ho puro magandang balita ang binibigay kay P-Noy pero ang katotohanan ay marami nang kapalpakang nangyayari sa departamento niya. 

Alam niyang malapit na siyang mabuking kaya kahit sinasabi niya sa publiko na hindi siya tatakbo ay panay ang pakiusap niya sa iba’t ibang grupo para suportahan ang planong pulitika niya. 

Bukod kasi sa kapalpakan, alam niya na kapag hindi siya tumakbo ay mawawala sa pamilya nila ang lugar na pinaghaharian nila. Wala sa pamilya niya ang maaaring tu­mapat sa inaasahang kakalaban sa kanya. Kapag nawala sa kanila ang teritoryo sa isang taon, hindi na nila ito mababawi sa 2016 dahil dalubhasa ang pulitiko na katapat niya. 

Ang isa namang miyembro ng Gabinete ay panay ang pasikat sa media at kapag natatapatan ng microphone at spotlight ay biglang nagsasalita. Wala siyang nagagawa sa kasalukuyan kundi press releases pero ambisyon din ang pumasok sa pulitika. 

Pinalalabas niya sa lahat na loyal siya sa Presidente pero ang katotohanan ay nakikipag-usap siya sa iba’t ibang partido, kahit sa oposisyon at ginagawang kasangkapan ang opisina niya upang makuha ang anumang suportang kayang ibigay nila. Problema lamang niya, marami sa media ang buking na ang kanyang ugali at ayaw na siyang interbyuhin.

Ito namang isa, kapit-tuko at ayaw bumitaw sa Gabinete kahit na alam niyang marami siyang kapalpakang ginawa at nagawa na kahit noong hindi pa siya Cabinet rank daming anomalya pero lagi siyang iwas pirma noon, kaso ngayon, unti-unti may nahahalukay laban sa kanya kasama na ang isang bilyong piso project na tahimik pinaiimbestigahan ng Malacañang. 

Patuloy akong mag­huhukay at ibubulgar ang mga taong ito na hindi na nga nakakatulong ay nais pang bilugin si P-Noy.

* * *

Para sa anumang reaksyon o suhestiyon text e mail sa nixonkua@ymail.com  

 

Show comments