'Batas militar'

MARTIAL LAW! Madinig mo lamang ito kikilabutan ka na.

Ang mga nakaranas nito isang lang ang sasabihin, “never again”!

Inilapit sa amin sa “Calvento Files” ni Janice Dammay ang nangyari sa kanyang pamilya noong mga panahong iyon. Bago ang EDSA Revolution ng 1986.

Nakausap namin si Reymundo, 56-anyos upang ikwento ang sinapit, dalawang dekada’t kalahating taon nang nakararaan.

Alas dos ng madaling araw ng Pebrero 2, 1986, tanging kahol ng aso at mga kuliglig ang madidinig sa bulubunduking probinsya ng Kalinga, Apayao.

Mahimbing na natutulog ang pamilya Dammay sa kanilang tahanan sa Brgy. Malama Conner nang bulabugin ang buong kabahayan ng malalakas na yabag at kalabog sa pintuan. Isang tropa ng militar ang pumasok.

Niratrat ng mga putok ang dingding ng bahay. Bago pa makaba­ngon sa higaan, dinaplisan ng bala sa hita si Delfin Dammay—noo’y 17-anyos.

Nakarinig sila ng sigaw ng isa sa mga sundalo,“Walang gagalaw! Walang masasaktan kung ilalabas niyo si Reymundo!”

“Ser! Maawa kayo! Pag-usapan po natin! Ano po ba’ng atraso ng anak ko?”, nagmamakaawang tanong ni Agagen Dammay—ama ni Reymundo.

“’Wag kang magmaang-maangan tanda! Lider ng NPA yang anak mo!”

Nabuksan sa tadyak ang pintuan ng isang silid. Naroon si Reymundonoo’y 23-anyos habang mabilis na nakapagtago sa ilalim ng papag ang asawang si Ester—21 anyos, yakap ang panganay na sanggol.

“Ser! Maawa po kayo! Hindi po ako NPA!”, sabi ni Reymundo.

Halos humilahod sa sahig si Delfin sa pagamamakaawa sa mga militar para makumbinsing hindi totoo ang bintang.

 “P!@#**@ina! Tumigil ka! Isa ka pa! Lider ka rin hindi ba!”, sagot ng isang lalaki.

Pinitsarahan ng isa pang sundalo si Reymundo sabay kinaladkad.

“Ilabas mo ngayon ang tapang mo!”, sabi umano ni Tinyente Tagal.

“Wala pong kinalaman ang anak ko sa sinasabi ‘nyo! Nagmamakaawa po ako ser!”, sabi ni Agagen.

“Tumahimik ka!”,  bulyaw ng sundalo sabay tuktuk ng baril sa ulo ng matanda.

Kung kani-kaninong kamao ang sinalo ng kanyang mukha. Putok ang kanyang ilong at labi. Bumulwak ang dugo sa kanyang bibig.

 “P!@#**@ina! Hindi ka ba talaga aamin!?”

Inilapit sa mukha ni Reymundo ang isang patalim. Umalingaw­ngaw ang hiyaw. Bumuka ang laman nang mag-ekis ang hiwa sa kanang pisngi ni Reymundo.

Binayo ng baril sa likuran ang paglamon ng pamamanhid sa kanyang buong katawan. Winarak ang damit at tuluyang hinubaran. Hinila siya palabas ng bahay. Ikinadena ang magkabilang braso sa “service jeep” ng mga sundalo. Nakatapak na humabol si Ester.

Dinala sa kampo ng militar si Reymundo. Makailang ulit siyang pinaghahataw ng dos por dos at nilublob sa dram para umamin. Halos mawalan siya ng malay-tao.

Atungal ni Ester ang kanyang nauulinigan habang unti-unting nang bumibitiw ang kanyang pandinig.

Nagising siyang pilit pinalalagok sa isang mangkok ng sariling dugo. Nasuka si Reymundo.

“Ano aamin ka na? Dalawang buwan kang nawala dito unggoy!”

Ituro mo sa amin ang kuta ng mga NPA at matitigil ang lahat ng ito.” Sabi ng isang sundalo.

Halos isang buwan ikinulong sa kampo ng militar si Reymundo.

Isang kaibigan ni Ester na si Tina Batul ang pasikretong nagsabi sa kanya ukol sa mahihingan ng tulong sa kaso. Dinala nila sa Commission on Human Rights sa Tabuk ang  kaso ni Reymundo. Nagwelga ang mga kabarangay sa Apayao nina Reymundo. Napilitan palayain siya dahil hanggang sa “Human Rights International” umabot na ang kaso.

Hanggang ngayon bakas pa rin kay Reymundo ang epekto ng “torture”. Bali ang kanyang “spinal cord” at sumusuka ng dugo. Hindi na ito nakabalik sa paggawa ng mabibigat na gawain sa bukid.

Abril 1986 nagsimula ang paglilitis sa Hawaii Federal Court laban kay dating pangulong Marcos. Inihabla siya ng mga naging biktima, pagmamalabis nung Martial Law.

 1989 namatay si Marcos kaya’t ang kanyang Estado (“Estate of Ferdinand Marcos”) ang humalili para umako sa pagbabayad ng danyos.

Pebrero 3, 1995 nanalo ang mga biktima sa kaso.

US$ 1,964,000,000.00 ang halagang dapat pagbayaran. Ga­gamitin ito sa bayad-abogado at mga gastos sa kaso at ang matitira ang paghahatian ng mga biktima.

Matapos ang lahat, kakarampot na 43,000Php ang natanggap ng bawat lehitimong biktima. Kasama sa kanila si Reymundo, Agagen, at Delfin.

Enero 13, 2011 ay inaprubahan ni Hukom Manuel L. Real, ang distribusyon buhat sa “Settlement Fund”. Napagtagumpayan ito sa tulong ng mga “human rights advocates”, sa pangangasiwa ng “lead counsel” na si Robert A. Swift.

Ngayon hindi pa natatanggap ng pamilya Dammay ang halaga. Kapag nakuha nila ang 43,000Php sa pagpapatingin lang ito mapupunta.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwentong ito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, tinulungan namin si Janice na makipag-ugnayan sa tanggapan ng Commission on Human Rights(CHR) upang malaman ang kundisyon ng distribusyon. Napag-alaman namin na si Atty. Rodrigo Domingo, Jr., isa sa mga nangangasiwa ukol sa distribusyon. Sa katunayan, ang mga sulat kaugnay sa distribusyon ay nagmula sa kanya.

Nakausap namin si Atty. Domingo sa telepono at hiniling na ipadala ang mga katibayang papeles na nagpapatunay na kabilang ang mag-aama sa mga “claimants”. 

Matapos maisumite ay aantabay kami sa tugon ni Atty. Domingo sa dapat matanggap nila Janice. (KINALAP NI PAULINE VENTURA)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments