Bakit nambomba ang pulis na ito?

SINAKDAL ng murder nu’ng nakaraang linggo ang isang kasapi ng batikang PNP-Special Action Force. Sinangkot si Police Officer-2 Arnold Mayo sa pagbomba nu’ng Enero 2011 ng bus sa Buendia Avenue, Makati, kung saan limang pasahero ang namatay. Itinuro si Mayo ng eyewitnesses matapos makita ang CCTV video at retrato niya sa telebisyon. At bakit naman siya na-TV? Kasi, nito lang Enero 2012, isa si Mayo sa tatlong pulis na nagdala ng bombang pang-World War II sa junkshop, para pabuksan at makuha ang pulbura -- kaya lang sumabog. Namatay ang dalawang kasamahan ni Mayo sa ikalawang pagsabog; isa sa kanila ay nakilala rin ng eyewitnesses bilang sangkot sa pagbomba nu’ng 2011. Parehong 81-mm mortar ang sanhi ng dalawang pagsabog.

Kinapanayam ko agad si Interior Sec. Jesse Robredo sa programa ko sa radyo. Tanong ko sa kanya: Napasok ba ng terorista ang piling-piling PNP-SAF? Tila hindi naman, ani Robredo; bagama’t nadestino minsan si Mayo sa Mindanao, hindi siya nadikit sa Abu Sayyaf o Jemaah Islamiya, at hindi na-assign sa rehiyon na iyon ang dalawang kasapakat.

Baka naman, tanong ko, sadyang mission nila ang magpasabog, tulad ng bulung-bulungan ng reporters na nagko-cover ng PNP at defense beats? Tinitingnan ng pamunuan ng PNP ang anggulo na ‘yan, ani Robredo. Maaring kabaliwan at ilegal na test mission ang pagpapasabog ng bus para maituring na ganap na silang kasapi ng elite force. O maari ring mission para mangikil (extortion) sa may-ari ng bus. Ano’t ano man, ayaw tumugak umano ni Mayo.

Ito ang maidadagdag ko sa pagsusuri ni Robre­do: Anu’t ano man, initia­tion o extortion man ang mission, tiyak na inutos ng kung sino’ng nakatataas kay Mayo ang pagbomba. Sino kaya ang officer?

* * *

Makinig sa Sapol, Sa­bado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments