KUNG lumantad ang pinatalsik na court interpreter na si Delsa Flores noong kasagsagan ng impeachment trial, siguradong iba ang naging takbo ng argument ng mga senador nang ibaba nila ang guilty verdict kay Chief Justice Renato Corona.
Lingid sa kaalaman nang lahat, pinahanap ni President Aquino si Flores at si Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma umano ang naatasan. At ang napag-utusan naman ni Coloma ay isang taga-Davao.
Si Flores ang naging bida sa pagsipa ng mga senador kay Corona dahil nga sa punto na kung hinatulan ng dismissal ang isang karaniwang court employee bakit hindi patawan ng parehong kaparusahan ang isang Chief Justice. Pinatalsik si Flores sa Regional Trial Court Branch IV sa Panabo City noong 1997 dahil sa betrayal of trust.
Ayon sa anak ni Flores na si Ritchie, 33, isang taga-Philippine Information Agency ang pumunta sa kanila at ipinaabot ang mensahe ng Malacañang na sana ay lumantad ang dating court employee.
Inamin naman ni Efren Elbanbuena, PIA Region XI Director, na siya nga ang nakipanayam kay Flores dahil sa utos ng Palasyo sa pamamagitan ni Coloma.
Nakatatlong balik umano si Efren sa bahay nina Flores sa old public market ng Panabo City saka lang siya hinarap nito.
Ngunit kahit anong pilit ni Efren na lumantad si Flores at kahit magpa-interview man sa media ay talagang ayaw nito.
Pagkakataon na nga sana iyon ni Flores na magpakita sa impeachment trial ngunit talagang ayaw niyang lumantad. Ang ugat ng kaso laban kay Flores ay ang kanyang away kay Narita Rabe, isang tenant sa public market.
Ayon pa kay Ritchie, napakalalim ng awayan at nag udyok kay Rabe na kunin ang mga records ni Flores sa municipal hall at sa RTC Branch IV court ng Panabo noong 1995 nang kasuhan niya ang dating court interpreter.
Kung pumayag sa gusto ng Palasyo at lumantad nga si Flores noong impeachment trial, hindi maiiwasan na maungkat ang naging sanhi ng pagkatanggal niya sa serbisyo. Siguradong uungkatin din kung nasaan na si Rabe at magsasanga-sanga na ang mga isyu. Kaya minabuti na lang ni Flores na manahimik.
Lumantad si Flores sa media ngunit panandalian lang. Sinabi lang niya na masaya siya sa naging pasya ng Senado. Napatunayan na sa batas ay patas lang silang dalawa ni Corona.
Sa tingin ko, nais ni Flores na ayaw nang pag-usapan ang nakaraan at ang gusto lang niya, kapulutan ng aral ang nangyari sa kanya at ni Corona --- na dapat maging matapat ang sinumang nagtatrabaho sa pamahalaan.