HINDI inakala ni dating Chief Justice Renato Corona na ang kaso ng isang empleyado ng Korte Suprema mismo na sinibak dahil sa kanyang hindi paglagay ng kanyang mun-ting negosyo sa palengke sa kanyang SALN, ang magsisilbing huling pako sa ataol niya bilang punong mahistrado. Biglang nalagay sa sinag si Delsa Flores, ang empleyado na ginamit na halimbawa ng ilang senador, para tulungan sila sa kanilang desisyon para ma-impeach si Corona. Ang batas para sa isang pangkaraniwang empleyado, ay batas din dapat para sa pinaka mataas na opisyal ng hudikatura!
Hindi inakala ng mga abogado ni dating Chief Justice Renato Corona na babalik para sila’y multuhin, ang kaso ni Delsa Flores, na natanggal sa trabaho at hindi na makabalik sa anumang trabaho sa gobyerno, dahil nga sa kanyang pagkakamali sa SALN. Hindi inakala ng mga abogado na mauungkat ang kasong ito, na sa Davao pa nangyari! Ang batas ay laging bumabalik sa mga desisyon na naibaba na sa mga nakaraang kaso. At ang pagbigay halimbawa sa kaso ni Flores, na nataon ay taga-Korte Suprema pa, ang nagsilbing patunay kung bakit dapat ma-impeach at matanggal na sa posisyon si Corona.
Kung may ganitong desisyon na pala noon, nagtataka talaga ako kung paano pa nagkaboto na “acquit” si Corona. Tatlong senador ang bumoto na si Corona ay walang kasalanan, dalawa ay abogado pa. Ano kaya ang sasabihin nila roon kay Delsa Flores? Sila siguro ang dapat naging mga abogado ni Flores noong siya’y sinisibak noon. Meron na palang kasong similar sa kaso ni CJ Corona, kaya bakit pa kailangang pagtalunan?
Tuwang-tuwa naman si Flores at ayon sa kanya, patas ang batas. Nabigyan ng angkop na parusa ang maliit, at malaking tao. Ngayong tapos na ang impeachment o ang “kortenobela” na ito, sana ay magsilbing bagong sunuran para sa lahat ng kaso ng SALN, pati na sa mga opisyal na tiwali at kitang-kita naman na may milagrong nagaganap kaya mataas ang katayuan sa buhay. Hindi ako magtataka kung maraming pulitiko, opisyal o maging mga ordinaryong empleyado ng gobyerno ang “nag-aayos” na ng kanilang mga kayamanan, lalo na yung mga hindi na puwedeng itago sa SALN at ito na ang simula ng masinsinang pag-inspeksyon ng lahat ng iyan. Kung natanggal ang pinaka-mataas na opisyal ng hudikatura dahil sa pagkakamali niya sa SALN, dapat lang ay lahat na ng nasa gobyerno ay masukatan sa ganitong paraan. Sabi nga nila, kung ayaw mong ipakita ang yaman mo, huwag ka na magtrabaho sa gobyerno.
Eh paano naman sila kikita nang malaki, at madali, kung wala na sila sa gobyerno? Kawawa naman sila.