PATULOY sa pagtaas ang kaso ng prostitusyon sa ating bansa.
Karamihan sa mga biktima ay mga menor de edad na pinapasok sa mga bar o kaya naman sa mga prostitution den. Kahirapan ang pangunahing dahilan ng mga napapasok sa prostitusyon.
Sa una ay labag sa kanilang kalooban ang pagbebenta ng laman, subalit sa katagalan, nakasanayan na nila ito at unti-unti nang natatanggap. Marami nang pugad ng prostitusyon ang nahulog sa patibong ng BITAG.
Kalimitan ay mga cybersex den na gumagamit ng mga menor de edad bilang performers. Mayroon namang mga kaso ng mga babaeng ibinabahay o itinitira sa isang casa.
Ang estilo, tumatawag ang mga parokyano para kumuha ng babae. Nagkakaroon ng sabwatan sa pagitan ng casa at hotel kaya naman nagiging mas madali ang pagpasok ng mga inilalakong kababaihan sa kanilang establisyemento.
Sa kabila ng pagbebenta ng laman ng mga kawa- wang biktima, barya-barya lamang ang kanilang natatanggap. Kalimitan ay napupunta sa mga kolokoy na bugaw ang kanilang kinikita.
Hindi lamang sa bar o sa mga hotel nauuso ang prostitusyon. Mayroong mga kaso ng prostitusyon kung saan lantaran ang pagbebenta ng laman.
Isang e-mail ang natanggap ng BITAG mula sa isang tipster.
Isinusumbong niya ang hayagang paglalako ng katawan sa kahabaan ng EDSA, Cubao, Quezon City.
Mabilis na makakakuha ang sinumang naghahanap ng panandaliang aliw dahil sa kanilang estilo. Ang paraan ng kanilang pagbebenta ng laman, garapalan. Hinaharang ang mga kalalakihang dumadaan at saka inaalok ng kanilang serbisyo.
Kapag kumagat sa kanilang patibong, sila na mismo ang magdadala sa kanilang kliyente sa isang motel malapit sa kanilang pwesto.
Ang prostitusyon ay isa sa mga problema ng bansa. Habang patuloy ang kahirapan, patuloy na tataas ang kaso ng prostitusyon. Patuloy na dadami ang bilang ng mga nagiging biktima.