HAHARAP daw sa tamang oras si Ramona Bautista. Ito ang pahayag, pangako pa nga, ng ina ni Ramona, na isang akusado sa pagpatay sa kanyang sariling kapatid na si Ramgen Bautista. Sa pagdinig ng kaso laban kay Ramona at iba pang mga suspek sa pagpatay kay Ramgen, sinabi ng ina ni Ramona na si Genalyn Magsaysay na wala siyang balita kay Ramona, na nagtago umano sa Turkey noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Pero ganyan ba dapat ang hustisya? Kung kailan lang gusto ng akusado magpakita at ipasailalim sa hustisya ang sarili? Kaya pala ang daming hindi pa mahanap na akusado sa iba’t ibang krimen sa bansa. Nandyan ang notorious na si Jovito Palparan, na akala ko nahuli na nang mabasa ko ang isang balita na may nahuli raw na Palparan sa Negros, pero kapangalan lang pala! Nandiyan ang magkapatid na Reyes ng Palawan na ayon sa PNP mismo ay wala silang bakas kung nasaan. At marami pa riyang akusado na wala na sa kanilang mga tahanan at hindi na malaman kung nasaan!
Pero sa kaso ni Ramona Bautista na pangunahing suspek, na umalis ng bansa nang maging malinaw na huhulihin na siya at suspek na, walang dahilan para magsabi pa ang kanyang kamag-anak na siya’y magpapakita kapag handa na! Tila sampal sa korte at sa sistema ng hustisya ang kanyang pahayag kung ano pang gusto nilang tawagin sa pagtatago niya! Walang dahilan magtago ang isang inosenteng tao. Kung tunay na inosente, ano ang takot niya kung wala naman talagang kinalaman sa krimen?
Nakakatawa naman kung lahat na lang ng akusado ay ganyan na lang kung mag-isip. Kaya lumalakas na rin ang loob ng mga kriminal ay dahil tila hindi mahanap ng PNP ang mga suspek. Mga halimbawa na hindi sila naaabot ng kamay ng batas! Napakalaking kahihiyan sa PNP itong mga puganteng ito! Dapat sana ipakita ng PNP na hindi pwedeng magtago mula sa kanila ang mga akusado, para hindi na lumakas ang loob ng mga iba na maging pugante na rin. Marami nang hinahanap ang PNP, katulad ng mga nanloob sa bahay ng ambassador ng Iran. Nasa loob na nga ng Forbes Park, nanakawan pa rin!