HABANG inaantabayanan ang kabuuan ng testimonya ni Chief Justice Renato C. Corona sa Senate Impeachment Court, patuloy na pinagtatalunan ng mga abogado ang legalidad ng ginawang pagkalap ng ebidensiya ng mga alyadong ahensiya ng gobyerno tungkol sa confidential bank records ng punong mahistrado.
Ang puno’t dulo ng hindi pagkaunawaan ay ang kakulangan ng Court Order bago ni-release ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa Ombudsman ang anumang rekord na meron ito patungkol sa mga account ni CJ Corona. May sektor na nasusuya at tinuturing na teknikalidad ang mga objection ng depensa – ito ang pananaw na anumang uri ng pagtutol sa paglantad ng katotohanan ay paghadlang sa katotohanan. Hindi raw ito dapat hinahayaan dahil mas kanais nais at karapat-dapat na ang katotohanan ang mamayani sa lahat ng oras. Siyempre, sa kabilang dako ay nariyan ang mga tumutulak ng istriktong pagpapatupad ng limitasyon ng Saligang Batas sa kapangyarihan ng Estado (ang “super powers” ng Ombudsman) laban sa karapatan ng indibidwal – dahil ito ang tangi at pinakaepektibong paraan upang maiwasan ang maaring makasanayang pang-abuso, lalo na sa mga taong hindi kasundo ng namamahala.
Ang isyung ito ay nararapat lang na resolbahan ng isang Korte – ng ating Mataas na Hukuman – dahil sa kahalagahan ng nagbabanggaang posisyon. Kailangan talaga ng paglilinaw at gabay upang ang ating mga depositor ay makaiwas sa maling pag-unawa ng batas na maaring mauwi sa kapahamakan. Kaya lang ay ayaw manghimasok sa panahong ito ng ating Supreme court upang linawin ang isyu. Anumang kilos kasi nito’y pinasasailalim sa matinding pagsusuri – at maaring ituring na pagkampi sa prosekusyon o depensa.
Hindi puwedeng ipuwersa ang Supreme Court na kumilos bago magdesisyon ang Senate Impeachment Court.
At ngayong pinangatawanan na ni CJ Corona ang pangakong humarap sa bansa ay maaring hindi na muna natin malalaman ang tamang interpretasyon ng batas.
Anuman ang kahinatnan ng CJ Corona Impeachment Trial, hindi natin matatakasang resolbahan ang isyung ito – para sa wastong pag-unawa ng batas at sa ikabubuti ng mga susunod na henerasyon.