KAMAKAILAN lamang ay naging paksa ng aking programa maging ng kolum na ito ang mga tinaguriang Batingting Boys.
Sila ang mga kolokoy na nakatambay sa kanto ng Malakas Street, sa bahagi ng East Avenue na kumakaway sa mga drayber ng nagdaraang taxi sa lugar. Ang alok nilang serbisyo, kabitan ng batingting o pandaya ang mga metro ng taxi na nagnanais na maisahan ang kanilang mga pasahero.
Kilos prontong nagsagawa ng entrapment operation ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Quezon City Police District Anti Carnapping Division sa pakikipag-ugnayan ng BITAG.
Huli sa akto ang mga putok sa buhong pasimuno ng pandaraya sa mga taxi dahil sa pagkakabit nila ng Batingting. Batingting ang itinuturing na isa sa pinaka-laganap na pandarayang ginagawa ng patago ng mga dorobong taxi drayber.
Subalit kung gaano kalawak ang pagbabatingting ng mga manggagantso, ganoon din katindi ang problema ng mga commuters sa lantarang modus ng karamihan sa mga taxi drivers.
Pangongontrata at pamimili ng pasahero ang karaniwang reklamo ng mga tumatangkilik sa serbisyo ng taxi.
Isa sa mga tagasubaybay ng BITAG ang sumulat sa amin upang iparating ang sumbong na ito. Sa kanilang lugar sa Taguig City, tinataga ng bayad ang mga pasahero mapa-malapit o malayo man ang destinasyon.
Ang kanilang rason, matagal na silang naghihintay sa pila ng taxi kaya naman malakas ang loob ng mga kolokoy dahil tumanggi man ang isang pasahero, mayroon at mayroong kakagat sa kanilang kondisyon.
Kaya naman ang mga desperadong pasahero na naghahabol ng oras, bago pa makarating sa kinaroroonan, butas na ang bulsa.
Matagal na itong problema ng ating mga kababayang mananakay ngunit hindi ito maaaksyunan kung patuloy lamang kayo sa inyong pananahimik. Ang lantarang panggigipit at panloloko ng mga dorobong drayber ay hindi nauukol sa ating batas kaya naman hindi dapat natin ito hinahayaan at kinukunsinti.
Sa oras na may makaharap ng drayber na may kaparehong estilo ng panggagantso, huwag magdalawang-isip na isumbong ito sa LTFRB. Kunin agad ang plate number at pangalan ng madayang taxi na inyong nasakyan at huwag ding kalimutang humingi ng resibo bilang katunayan na naging pasahero ka nito.
Para naman sa inyong mga dorobong taxi drayber na mahilig mangontrata at mamili ng pasahero, kuwidaw kayo! Dahil hindi mangingimi ang BITAG na ipaabot kaagad sa kinauukulan ang inyong kalokohan.