Nadadamay ang matitinong pulis

KUNG may dapat tingalain sa mga opisyales ng Manila Police District (MPD), tiyak kong mangunguna rito si Supt. Reynaldo Nava ng Traffic Managemant Bureau (TMB). Mantakin n’yo mga suki, simula nang makilala ko ito bilang Inspector noong early 2000 hanggang sa kasalukuyan ay hindi nagbago ang kanyang ugali. Sa kalsada nagbababad si Nava sa pag-aayos ng daloy ng trapiko kaya kahit na masikip ang mga kalye sa Maynila, napapausad ito nang maayos.

At ngayon na siya na ang pinuno ng MPD-TMB, hindi nagbago ang kanyang ugali at lalo pa siyang madalas na makikita sa mga lansangan na kailangan ang police assistance. Ganyan ang dapat na magiging opisyal ng PNP saan mang sulok ng bansa upang makuntento ang sambayanan sa binabayad nilang buwis. Sa ngayon, mababa ang tingin ng ating mga kababayan sa mga pulis dahil sa katamaran na walang inaatupag kundi ang magpalaki ng kanilang tiyan at puro pitsa na lamang ang inaatupag.

Kung sabagay depende ‘yan sa pagkatao ng isang opisyal ng PNP sa ngayon. Marami kasi sa kanila ang binuwenas na masabuyan ng biyaya ni Lord dahil sa dami ng mga padrino sa administrasyon ni President Noynoy Aquino. Kaya kahit kukuya-kuyakoy lang ang mga ito sa malamig nilang opisina ay mabilis ang kanilang promotion at nag-uumapaw ang kanilang bulsa sa mga illegal na collection mula sa gambling lords, sidewalk vendors, drug pushers at users.

Tuloy maging ang mga matitinong opisyales ng PNP ay nadadamay. Iyan ang aking obserbasyon sa MPD headquarters. Kasi nga kahit na anong galing pa ni MPD director Chief Supt. Alejandro Gutierrez sa pamamalakad nababalewala la­mang dahil nahahatak sa putikan ang mabubuting pu­lis.

Mantakin n’yo nang min­­san kong silipin ang checklist ng mga pulis sa lingguhang roll call na isinasagawa ni MPD Chief of Staff Senior Supt. Ronald Estilles, napakaraming absent. Halos 30 porsiyento ng mga pulis sa MPD ay naka-timbre sa kanilang mga hepe kaya maging si Estilles ay kinamumuhian sa pagtsek ng attendance. Pero may hangganan ito. Dahil ayon kay Estilles, ipag­papatuloy niya ang pag­palutang sa mga ito ma­­tapos na atasan siya ni Gutierrez. Lumalabas kasi na pinagalitan ni Mayor Al­fredo Lim si Gutierrez matapos magreklamo ang mga dayuhang Koreano at Hapones sa pangongotong nina PO2 Reynaldo Olivo, PO1 Vincent Paul Medina at PO3 Benito Ca­sauay.

Kaya sa ngitngit sa kahihiyang idinulot ng tatlo, sinibak ang hepe ng Ermi­ta Police Station 5 na si Supt. Jemar Modequillo ha­­bang ang tatlo ay nag-absent with­out Leave (AWOL). At ang huling ba­lita ko, naka-confine ngayon sa PNP General Hospital si Casauay matapos ma­maho ang kanyang kid­ney este magkasakit sa bato. Abangan!

Show comments