Mga tanong na dapat sagutin ni Corona

SA Martes ay haharap si Chief Justice Renato Corona sa Senado kung saan hinihintay ng sambayanan ang mga kasagutan sa mga kasong kinahaharap niya, lalo na ang kanyang mga milyun-milyong depositong dolyar at peso sa iba’t ibang banko. 

Ito ang kanyang huling pagkakataong patunayan sa Senado kung may kasalanan siya o wala. Kailangan niyang harapin ang lahat ng tanong at hindi siya iiwas sa pamamagitan ng mga teknikalidad o iba pang legal na palusot    na kayang-kaya niyang gawin bilang Chief Justice.  

Una niyang dapat sagutin ang matagal ng tinatanong ni Sen. Panfilo Lacson kung handa ba siyang gumawa ng isang waiver na pinapayagan ang mga banko na buksan at ipakita ang kanyang accounts. Kailangan ito, lalo na ang dollar accounts niya na hindi ilalabas ng banko dahil nga sa bank secrecy law at foreign currency deposit law na nagsasaad na hangga’t hindi pumapayag ang nagmamay-ari ng account na ipakita ito ay hindi ito maaaring ipakita ng kahit na sinong opisyal ng banko. 

Kapag hindi siya pumayag dito, magiging tanong ng sambayanan at lahat ng mga senador ay bakit niya tinatago ito.  

Pangalawa ay kailangan niya ipaliwanag ang mga salapi, peso, dolyar o anumang pera, kung saan nanggaling ang mga ito at paano niya kinita ito. 

Hindi mahalaga ngayon kung tama ang sinabi ng ibang mga testigo dahil hindi naman magtutugma talaga ang mga iyan hangga’t hindi nilalabas ang tunay na record na hindi naman ilalabas ng banko hanggang hindi payagan ni Corona.  

Iyan ho ang dalawang katanungang importanteng sagutin ni Corona at kung hindi niya masasagot ito o iiwasan niya lang, walang maniniwala sa kanya at mabuti pang magbitiw na siya para mapadali ang desisyon kahit sa mga senador na kaalyado nila Madam Senyora Donya Gloria at Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo na pawang best friend ni Corona. 

* * *

Para sa anumang reaksyon o suhestiyon text e mail sa nixonkua@ymail.com

Show comments