NAHAHARAP pala ngayon sa kasong graft sa Ombudsman si Dagupan City Mayor Benjamin Lim at siyam na konsehal. Ang dahilan, may manipulado raw ang pagpasa sa isang resolusyon ng Sangguniang Panglungsod na aabot sa milyun–milyong pisong pagkalugi ng pamahalaang local.
Ito ang impormasyong nasagap natin mula mismo kay Vice- Mayor Belen Fernandez, tungkol sa resolusyon noong ika-30 ng Abril na nagbibigay ng awtoridad kay Lim na ibenta ang dalawang prime real estate properties sa siyudad. Sey ni Fernandez, ang resolusyon ay kaduda-duda ang pagkakaaproba dahil nagpatawag ng special session nang siya ay nasa isang opisyal misyon sa U.S. Sinadya nga kayang itago kay Vice ang pagdaraos ng pulong?
Ang dalawang property ay ang MC Adore mall sa isang relocation site sa Talibew para sa informal settlers, at Calasiao property. Ang mga ito ay pwedeng magka-presyo ng mahigit sa P300 milyon kontra sa 60 to 70 milyon inaalok ng dalawang real estate developer na di umanoý kinokonsidera ni Lim.
Ang mapagbibilihan sa dalawang propriedad ay ga gamitin daw sa isang city development project. Ikinamangha ito ni Fernandez sapagkat ayon sa kanya, hindi naman kailangang magbenta ng prime properties na pag-aari ng siyudad para pondohan ang proyekto dahil ka-aapruba lamang ng P600 milyong budget ng siyudad. “Pwede namang dito kunin ang kailangan para sa sinasabi ni Mayor na development project,” sabi ni Vice Mayor.
Oo nga naman. Bakit kailangan ang special session gayung wala namang emergency situation? Kaya giit ni Fernandez, ang session ay illegal. Para sa ikalilinaw ng usaping ito, dapat lang magbigay ng karampatang paliwanag si Mayor Benjie Lim sa mga taga-Dagupan. Hindi pwedeng isantabi na lang niya ang mga paratang at basta sabihin na lang na “gawa-gawa lang ito ng mga kalaban ko sa pulitika.” Hindi niya kalaban ang taumbayan na humihingi lamang ng paliwanag.