NAPAGKUWENTUHAN namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pahayag ni Presidente Erap sa mga hakbanging dapat isagawa upang ganap na maisulong ang pag-unlad ng Maynila laluna’t ito ang capital city ng bansa.
Ayon kay Erap, isa sa mga pangunahing dapat asikasuhin sa Maynila ay ang “peace and order situation” dahil masyado nang lumaganap ang kriminalidad. Kung matitiyak aniya ang katahimikan sa Maynila ay maraming investor ang magtatayo ng negosyo na magbubunsod ng paglikha ng mga patrabaho para sa mga residente, paglakas ng lokal na ekonomiya at pagkakaroon ng sapat na pondo ng pamahalaang panglungsod para sa mga serbisyong panlipunan.
Kailangan din aniyang isaayos ang sistema sa city government upang maging episyente ang serbisyo publiko at matiyak ang regular na pasahod at benepisyo sa mga kawani nito na magreresulta sa pagsigla ng pagsisilbi nila sa mga residente.
Dapat din aniya na makagawa ng paraan ang lokal na pamahalaan upang maging abot-kaya ng mga residente ang presyo ng mga batayang bilihin partikular ang pagkain at gamot pati rin ang kuryente at tubig.
Mahal na mahal ni Erap ang Maynila. Sa Tondo siya ipinanganak, naging “movie superstar” siya sa pamamagitan ng pelikula tungkol kay “Asyong Salonga” na isa ring taga-Tondo. Ang kanyang yumaong ama na si Engineer Emilio Ejercito ay nagsilbing pinuno ng public services department sa ilalim ng apat na naging mayor ng Maynila. Dagdag niya, itinadhana ng Panginoon na isulong niya ang pag-unlad ng Maynila at ng mga residente laluna ang mga maralita.
Si Manila Vice Mayor Isko Moreno, mga konsehal ng lungsod at ang iba’t ibang sektor at grupo roon ay nagdeklara ng buong pagsuporta sa mga hakbanging nais isulong ni Erap para sa Maynila.
* * *
Birthday greetings: Pampanga Rep. Anna York Bondoc (May 11) at Lapu-Lapu City Rep. Arturo Radaza (May 12).