HINDI lamang pala si Cavite Governor Junvic Remulla ang pinupuntirya ng intriga sa P50,000 landfill certificate at hauling fees na P4,000 sa ipinamudmod ni ACP Solid Waste Management Corporation president Alex Panelba sa mga negos-yante sa General Trias. Maging si Mayor Luis “Jonjon” Ferrer ay sinisisi ng mga negosyante sa “moro-morong” certification na galing sa ACP-SWMC. Paano’y nasa ilalim ng administrasyon ni Ferrer ang Business Permit Office ng Gen. Trias kaya malaki ang hinala ng aking kausap na may magandang transaksiyon na nangyayari. At dahil nga sa sobrang laki ng hinihingi ng ACP-SWMC, natural lamang na aalma ang naghihingalong industrial investors. At ang pinangangambahan ngayon ng Caviteños ay ang napipintong pagsasara ng ilang kompanya kaya dadami ang mawawalan ng trabaho.
Ayon sa mga nakausap kong negosyante sa General Trias, sa kabila ng may 4 na buwan na nilang nabayaran ang kanilang business permit fees, hanggang sa ngayon hindi pa nare-release ang kanilang business certificate. Ano ba yan, Mayor Ferrer? Bakit hindi mo ipatawag ang mga negosyante at si ACP-SWMC president Panelba nang magkalinawan sa P50,000 landfill certificate at P4,000 hauling fees na sa tingin ng aking mga kausap ay pambabraso lang. Kung sabagay may karapatan ang mga negosyante na umalma sa naturang bayarin dahil lahat ay nagtaasan na at nahihirapan na rin silang pasanin ang gastusin sa kanilang kompanya.
Mayor Ferrer, kung talagang nais mong matulungan ang mga naghihikahos mong kababayan, dapat kumilos ka upang manumbalik ang sigla ng negosyo sa iyong bayan. Sayang naman ang panliligaw ni President Noynoy Aquino sa mga investor sa ibang bansa kung pagdating pala sa inyong bayan ay makukuba lamang sa kababa-yad sa hindi malinaw na bayarin katulad ng landfill certificate at hauling fees. Sa tingin ko, talo ang Caviteños sa sistemang pinaiiral sa General Trias dahil ang nadadamay ay mga maliliit na trabahador. At oras naman na matugunan ni Ferrer ang masalimuot na pambabraso ng ACP-SWMC sa mga negosyante tiyak na sisigla ang mga kompanya at maraming Cavitenos ang makikinabang. Ang panawagan kina Remulla at Ferrer ay agarang aksyon sa reklamo nang manumbalik ang tiwala ng mga negosyante. Abangan!