NAGULANTANG ako sa isang retratong ipinadala sa akin sa Facebook. Larawan ito ng lalaking lapnos ang buong katawan dahil sa pagkakakuryente habang ginagampanan ang tungkulin sa Jeddah, Saudi Arabia.
Kung dibdiban ang pagtawag natin sa mga migrant workers bilang “Bagong Bayani” dapat ipakita ang tunay na malasakit sa pagtulong sa kanila na nasa ganitong kalunus-lunos sa kondisyon.
Siya si Alfredo Salmos na dalawang taon na sa ganyang kalagayan at hangga ngayon ay hindi pa nakababalik ng bansa. Na-comatose sa loob ng isang buwan ang kababayan nating ito matapos ang insidente at bagamat nagbalik na ang ulirat ay patuloy na bumabagsak ang kalagayang pangkalusugan.
Walang pamilyang kumakalinga sa kanya. Umaasa lang sa mga kaibigan at kapwa Pinoy na tumutulong sa kanya. Paano naman makapaghahanapbuhay ang taong nasa ganitong kalagayan?
Umaasa ako na makakaabot ang balitang ito sa ating Department of Foreign Affairs para tawagang pansin ang ating embahada o konsulada sa Saudi. Alfredo is asking for our help and assistance by sharing his information and his current situation to reach government authorities.
Wala namang ibang hangad ang kababayan nating ito kundi makabalik ng Pilipinas sa piling ng kanyang pamilya. Napakahirap ng nasa ganyang kondisyon. Mabuti na lamang at may mga Pilipino roon na walang sawang tumutulong sa kanya.
Puwede umanong makontak si Alfredo sa telepono 0564623287. Sa ganitong situasyon, gobyerno lamang ang puwedeng mag-initiate ng tulong kasama ang mga kapwa niya Pilipinong nagmamalasakit. Tulungan po natin siya at Dios na ang bahalang gumanti sa inyo.
Kung nais ninyong magtalamitan tayo sa Facebook, heto po ang aking account: facebook.com/al. pedroche