WALA umanong dapat ikabahala ang mga environmentalist dahil di totoong may planong alisin ang isang sanktuwaryo ng mga ibon sa Parañaque para sa isang reclamation project.
Nilinaw ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na hindi mawawala ang sanktuwaryong ito bilang bahagi ng eco-tourism program ng lungsod. Anang PRA, nakikiisa sila sa Manila Bay Critical Habitat Management Council (MBCHMC) sa pangangalaga ng mga critical habitat. “Siniguro na naming protektado ang lugar na ito,” ani Eduardo Destura, tagapagsalita ng PRA.
Ang man-made bird sanctuary ay isang mangrove na naunang naitsismis na aalisin kaugnay ng reklamasyong gagawin.Tingin ko nama’y hindi matutulad ito sa mga walang pakundangang pamumutol ng kahoy para lamang makapagpatayo ng parking lot. Manghawak tayo sa pahayag ng PRA: “We shall maintain the integrity of the habitat. Together with local government, we intend to enhance this habitat to make it a more suitable and sustainable sanctuary for wild bird.”
Government agency ang PRA. Pamahalaan pa ba ang unang wawasak sa polisiya na pangangalaga ng kapaligiran?
Kinakanlong ng sanktuwaryo ang libu-libong mga migratory birds mula sa iba’t ibang lupalop ng mundo. May mga tumututol sa pagkakaroon ng sanktuwaryo. Kesyo flight hazard daw ang mga ibon dahil malapit sa premiere airport ng bansa. Ayon naman kay Las Piñas Rep. Cynthia Villar na may-ari ng pinakamalaking real estate firm, ang reclamation ay magbubunga ng pagbaha, bagay na pinabulaanan ng mga eksperto. Anang DHI Water and Environment of Denmark, makatutulong pa nga ang proyekto sa pagpigil sa posibleng pagbaha sa lugar.
Paano naman magbubunga ng baha ito eh, kasama sa proyekto ang dredging ng Parañaque river para lu-malim pa ito ng dalawa o tatlong metro; palalalimin din ang Zapote river mouths at aalisin ang sandbar malapit sa bunganga ng Las Piñas river.
Sa paraang ito ay gaganda ang daloy ng tubig at maiiwasan ang baha, anang PRA.
Ang pamahalaan ng Las Piñas at Parañaque ay nagpaha-yag na ng suporta sa proyekto.