ANG pinangangambahang rocket launch ng North Korea ay pumalpak. Sumemplang at bumagsak sa Yellow Sea ang rocket at di nakuhang makapasok sa kalawakan. Walang ano mang pinsala kanino man o saan mang bagay. Salamat sa Dios! Ngayon ay mapapanatag na ang mga bansang na-praning.
Bakit nataranta ang buong daigdig sa rocket launch na ito ng NoKor gayung ginawa na iyan ng ibang bansa tulad ng China, Japan at iba pa para makapaglunsad ng satellite sa kalawakan. At maging ang Pilipinas ay mayroon na ring aali-aligid na satellite sa space, ang “Agila” na importante sa episyenteng communications system.
Kaso notorious ang NoKor na isang komunistang bansa. Mahilig itong gumawa ng mga lihim na nuclear test kahit ipinagbabawal ng komunidad ng mga bansa na kung tawagin ay United Nations. Kahit namatay na kamakailan ang dating leader ng NoKor na si King Jong Il, tila mas agresibo ang kanyang batambatang anak na si Kim Jong Un na sa murang gulang ay binigyan ng ranggong heneral at ngayo’y pumalit sa kanya sa pagpapalakad ng naturang bansa.
Inilagay sa red-alert status ang Pilipinas at ipinag-bawal ang pangingisda sa karagatang posibleng bagsakan ng debris na NoKor Rocket. Kawawa yung mga mangingisdang naapektuhan ang kabuhayan. Pero ngayon ay blue alert na lang ang nakataas at puwede nang mangisda uli sa karagatan.
Kinondena ng international community ang nabigong rocket launch. Paglabag umano ito sa UN Security Council resolutions 1695, 1874 at 1718 na nagbabawal sa Pyongyang na maglunsad ng missile o nuclear test.
Ibig sabihin, hindi kumbinsido ang mga komunidad ng bansa na isang rocket launch lang ito kundi isang sikretong ballistic missile test. Bunga nito, maghaharap ang Estados Unidos ng protesta sa United Nations upang disiplinahin ang Nokor dahil sa ginawang probokasyon at pagsuway sa UN Security.
Hindi ako magtataka kung darating ang araw na matutulad sa Iraq ang North Korea na talagang pinulbus ng Amerika at mga kaalyadong bansa dahil lang sa hinalang nag-iingat ng weapons of mass destruction.