Araw ng Kagitingan: Kabuluhan sa atin

Ang “kagitingan” ay hindi lang tapang sa labanan. Kasa­ma rin nito ang kabuoan ng loob at kahandaang magsakripisyo (pati ng sariling buhay) upang magtagumpay sa pambansang (hindi ng pansariling) hangarin.

Tuwing Araw ng Kagitingan, Abril 9, ginugunita natin ang Fall of Bataan. Ito ang araw nu’ng taong 1942 nang, labag sa utos nina Gen. Douglas MacArthur at Jonathan Wainwright, isuko ni Maj. Gen. Edward P. King Jr. sa mga manlulupig na Hapon ang probinsiyang peninsula sa gilid ng Manila Bay. Mahigit 76,000 tauhan ng USAFFE (United States Armed Forces in the Far East) — 63, 000 Pilipino, 1,000 Chinoy, at 12,000 Amerikano — ang binihag. Ninakawan sila ng personal na kagamitan, at sapilitang pinalakad nang 140 km sa Death March patungong Camp O-Donnell, Tarlac. Libo-libo ang namatay sa pagod, gutom, init, sugat, sakit, at walang rason na pagbabayoneta. Halos 54,000 lang ang umabot sa concentration camp. At marami pa muling namatay doon sa sakit.

Bakit ipinagdiriwang ang isang pagkatalo bilang “kagitingan”? Kasi, hindi pagkalugmok ang kahulugan ng Fall of Bataan, kundi pansamantalang pagkabigo. Bagamat nalipol ang USAFFE-Luzon, maraming bihag ang tumakas upang ipagpatuloy ang pakikibaka para sa kasarinlan. Nagtatag sila ng guerrilla units sa Luzon o sumapi sa mga pulutong sa Visayas at Mindanao. Naging inspirasyon sila ng mga sibilyang Pilipino para sumali sa laban hanggang magwagi nu’ng 1945.

Hindi lang ang mga nag-aklas laban sa Hapones ang magigiting. Nauna sa kanila ang mga Pilipinong naghimagsik laban sa mga Kastila nu’ng 1896-1898, at Amerikano nu’ng 1899-1902. Sinundan naman sila ng mga lumaban sa diktadur-yang Marcos nu’ng 1972-1986. At masusundan pa sila sakaling may magtangkang alipinin ang Pilipinas.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments